5,458 guests

Mother Lily, kilig kay Richard

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 619

LUMUTANG bigla sa Instagram ang namamahingang aktor na si JM de Guzman kahapon. Walang caption sa picture niyang may pinakikitang ID na nakalagay, “JM Media Coordinator.”

Humamig agad ang picture ng more than 12,000 plus na likes.  Positibo ang komento ng followers niyang pinababalik na siya sa showbiz dahil nami-miss na siya ng mga ito.

Teka, parang almost a year or more than a year nang nawala si JM sa sirkulasyon.
   
Last year ipinalabas ang festival entry na #Walang Forever.
   
Siya sana ang leading man ni Jennylyn Mercado at hindi si Jericho Rosales.
   
Dahil bumalik umano uli sa bisyo, balik-rehab si JM at walang naging balita sa kanya hanggang sa lumatang siya sa social media kahapon.
   
Gaya ni Jiro Manio, hindi pa presidente si Mayor Duterte nang mapasok sa rehab si JM.
   
Kung wala nang balak si Jiro na bumalik sa pag-arte, wait na lang natin ang muling pagsulpot ni JM sa showbiz.

* * *

MAS publicized pa ang Quezon City Pink Film Festival kesa sa katatapos na QCinema International Film Festival.
   
Nagsimula at matatapos na ito ngayong Sabado sa Gateway Cinema, tahimik pa rin ang namamahala nito.
   
Nu’ng Miyerkules ng gabi ang awards night. Tanging si JC de Vera lang ang kilala naming artista na nanalo ng best actor award.
   
Na-meet na rin namin ang best director na si Prime Cruz, gumawa ng Ang Manananggal sa Unit 23B.
   
Pero wala kaming nabasa sa Twitter kung sino ang best actress. Alam namin, may entry sa festival sina Nora Aunor at Ryza Cenon.
   
Wala kaming nabasa kung sino ang nanalo sa acting category na ito.
   
Eh, ’pag ganyang tahimik ang isang festival, tahimik din ang daloy ng pera sa takilya, huh!
   
Akala siguro ng organizers, eh, sapat na ’yung promotions sa social media.
   
Naku, may movies ngang sumandal sa social media sa promotions kaya pagdating sa takilya, nganga!
   
Sayang ang pera, huh!

* * *

KILIG na kilig si Mother Lily Monteverde kay Richard Yap nang mapanood ang rough copy ng Mano Po 7: Chinoy nu’ng Wednesday evening.
   
Bilib na bilib naman siya sa acting ni Enchong Dee.
   
“Ang guwapo ni Richard at ang galing ni Enchong! Mananalo ’yan ng award,” sambit ni Mother matapos panoorin ang pelikula.
   
Naisabuhay kasi ni Richard ang isang business tycoon na istrikto sa kanyang asawa’t anak.
   
Bihira siyang magbitaw ng dayalog pero kapag nagsalita, eh, tumatagos.
   
Nailabas din niya ang pagkakaroon ng puso bilang isang mapagmahal na ama at asawa. Hindi nga lang niya inilabas ’yon nu’ng simula. Mas mahalaga sa kanya ang negosyo.
   
Naitawid ng MP7 ang mensaheng nais iparating --  ang pagmamahal sa pamilya.
   
Siyempre, nandoon ang ilang Chinese traditions na nais ipakita ng Regal sa magiging entry nila sa paparating na Metro Manila Film Festival (MMFF).