4,961 guests

Tatay Digong: Handang mabulok sa kulungan para sa Pilipino

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 208

“I DO not care if I burn in hell, for as long as the people I serve, live in paradise.” 

“Wala akong pakialam kung masunog ako sa impiyerno, basta’t ang mga taong pinaglilingkuran ko ay mabubuhay sa paraiso.”  

Ang nabanggit ay wika ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong nakaraang halalan, na nagustuhan ng ating mga mamamayan, kaya’t siya’y binoto ng mahigit 16 milyon Pilipino, ang pinakamalaki sa ating kasaysayan.
   
Nagustuhan ng mga mamamayan ang nasabing salita, sapagkat ito’y patunay na gagawin ni Pangulong Duterte ang lahat, sukdulang suwayin niya ang utos ng Diyos (“Huwag kang papatay”) at masunog sa impiyerno, mabuhay lang ang mga Pilipino sa paraiso, isang ligtas, mapayapa, malinis at maunlad na bansa.
   
Maraming beses binitawan ni Duterte ang salita, bunga ng pangakong tapusin niya ang masamang impluwensya ng droga sa bansa, sa loob ng 6 buwan mula sa kanyang pag-upo sa pwesto.
   
Sinabi niyang papatay siya ng 100,000 pusher at drug addict at itatapon ang kanilang bangkay sa Manila Bay upang tumaba ang mga isda rito at hindi s’ya titigil, hangga’t may isang nabubuhay sa kanila.
   
Simula nang umupo siya, hanggang ngayon, ika-110 araw ng kanyang pagiging Pangulo, mahigit 3,000 drug pusher at addict na ang napatay sa kanyang seryosong kampanya laban droga.
   
Sa bilang na 3,000, lumalabas na 27 drug pusher at addict ang napapatay bawat araw, mula July 1, 2016, unang araw n’ya sa pwesto, hanggang ngayon, Oktubre 20, 2016.  
   
Ayon sa PNP, sa bilang na ito, 1,325 ang napatay sa lehitimong police operation at 1,675 ang napatay ng mga vigilante.
   
Dahil sa laki ng bilang ng mga namatay at namamatay araw-araw,  sinabi ng International Criminal Court (ICC), sa pamamagitan ng Chief Prosecutor nito, si Fatou Bensoud, na maaari nilang imbestigahan at kasuhan si Pangulong Duterte.
   
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang kasapi sa ICC, na may kapangyarihan dinggin at pasiyahan ang mga kasong genocide, war crimes at crimes against humanity na nangyari sa bansa.
   
Ayon kay Bensoud, maaari nilang imbestigahan ang mga extrajudicial killing sa Pilipinas, kaugnay ng kampanya ng Pangulo laban sa droga at kasuhan ang mga opisyal na sangkot rito, kung mapapatunayang ito’y sistematikong plano ng gobyerno laban sa mga mamamayan.
   
Kaugnay ng bantang pag-imbestiga sa kanya ng ICC, sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang mabulok sa kulungan para sa mga Pilipino.
   
Aniya, sa kabila ng puna ng ibang bansa, tungkol sa nasabing extra-judicial killings, ang kanyang laban sa droga ay magpapatuloy kahit siya makulong.
   
Pinagtawanan lang ni Duterte ang ICC at kanyang sinabi:
   
“Patuloy nilang sinasabi na kakasuhan ako sa ICC. Sinabi ko na nga, handa akong mabulok sa kulungan para sa mga Pilipino. Hindi ba nila maintindihan ’yan?”
   
Talagang hindi maintindihan ng ICC ang ating Pangulo, handa nga siyang  masunog sa impiyerno, mabuhay lang sa paraiso ang mga Pilipino, ’yun pang makulong lang ang kanyang katatakutan?
   
Mapalad tayo at may Pangulo tayong katulad ni Duterte.
   
Sa aking paniniwala, tanging mga ama lamang ang handang magdusa sa impiyerno at bilanguan, para sa kabutihan at kaligtasan ng kanilang mga anak.
   
Anak ang turing ni Pangulong Duterte sa mga mamamayang Pilipino, kaya nga ang tawag sa kanya ng ilan nating mga kababayan ay “Tatay Digong.”