6,318 guests

Ai-Ai, binigyan ng Papal Award

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 1315

GINAWARAN ng Solemn Investiture Papal Award pro Ecclesia et Pontifice si Ai-Ai delas Alas two weeks ago kaya naman naghandog siya ng isang misa ng pasasalamat kahapon sa Victorino’s na si Bishop Antonio Tobias ang nag-officiate kasama ang kaibigang mga pari, Father Allan Samonte, Father Erick Santos at TV host Michael Angelo.

Walang hinagap si Ai kung bakit siya binigyan ng Papal Award. Dahil na rin sa paliwanag ng kaibigang pari, nalaman niyang dahil ’yon sa pagtulong niya sa simbahan, charitable works at ang patuloy na pagpapalaganap ng Catholic faith at pagmamahal kay Mama Mary.
   
“Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Siyempre, na-humbled ako. Sa dami ng nilalang sa mundo, nasabi ko, ‘Worthy ba ako nito?’ Siyempre, susunod lang ako kung ano plano ni Lord for me, doon tayo,” pahayag ni Ai-Ai na mangiyak-ngiyak sa magandang balitang natanggap.
   
Ang pagtulong sa simbahan ang nais nang gawin noon pa man ni Ai.
   
“Na magkaroon naman ng kasaysayan ang buhay ko ’pag humarap ako kay Lord. ‘Anong na-contribute mo bukod sa pagpapatawa mo sa Pilipinas?’ Masasabi ko kay Lord na nakatulong po ako sa iba ninyong alam, ’yung projects,” saad pa ng Comedy Queen.
   
Ayon kay Michael Angelo, ang ibig sabihin ng Ecclesia et Pontifice ay for the church and for the Pope.
   
“Isa ’yon sa pinakamataas na medal na ginagawad sa isang lay at sa isang pari. So masayang-masaya tayo para sa ating kaibigan kasama ang kaparian at buong Obispo, Diocesan of Novaliches sa award na ibinigay sa kanya. Nagpapasalamat tayo sa Banal na Papa, si Pope Francis, Bishop Antonio Tobias dahil doon naka-belong ang kaibigang si Ai-Ai.
   
“Igagawad ito hopefully on her birthday sa November 11,” sabi ni Michael Angelo (MA).
   
May sakit si Ai-Ai nang ipinarating ang magandang balita. “Tinext ako ni Father Allan. ‘May balita ako sa ’yo maganda.’ ‘Ano po ’yon, Father. Father pasensiya na po. Hindi ko kayo masagot. May sakit ako. Sabi niya, ‘Gagaling ka rito sa balita na ito.’ Tapos ’yun nga, sinabi nila Papal awardee nga ako.
   
“Tapos, sabi ko, lumuhod ako. ‘Thank you po, Lord. Hindi ko po alam kung paano ako magpapasalamat at siyempre po, hindi ko pa rin alam. Hindi naman po ako perfect pero sana naman po ay matugunan ko kung ano pa po ang kailangan kong maitulong,’’ chika ni Ai-Ai.
   
Si Ai ang tanging showbiz personality na ginagawaran ng Papal Award. Ang isa pang showbiz personality na nabigyan nito ay si Ryan Cayabyab. ’Yung iba ay nasa business at charity group.
   
“Ang maganda sa Papal Award kapag nabigyan ka nito, you become part of the Papal household. Kaya niloloko namin siya. ‘Close ka na kay Pope!’ After this award, we plan to visit the  Holy Father in person para makapagpasalamat.
   
“’Pag Papal awardee ka, may medal ka na promulgated by Pope Leo XIII noong unang panahon pa. Ang maganda riyan, pag Papal awardee ka, part ka ng Papal household, ibig sabihin malapit kay sa Papa. Sa important events sa Vatican, you’ll be invited. Nakakakilabot at naka-itim siya roon kasi ’pag nakaputi siya, baka siya ang mapagkamalang Pope! Ha! Ha! Ha!” paliwanag pa ni MA.
   
Dahil sa kanyang award, handa na si Ai-Ai sa sakripisyong gagawin. Isa na rito ’yung pagiging celibate simula nu’ng tang-gapin ang award sa boyfriend na si Gerald Sibayan hangga’t hindi sila ikina-kasal. Ginagawa lang niya ang mag-abstain sa sex kapag may movie siyang ginagawa.
   
Naiintindihan naman ni Gerald ang sitwasyon ngayon ng girlfriend na ang tanging nasabi sa pagiging awardee niya ay, “Astig!”
   
Pagdating naman sa nakaalitan, ayon kay Ai-Ai, humingi na siya ng tawad sa mga ’yon at pinatawad na niya ang nagkasala sa kanya. Pero kahit Papal awardee na si Ai-Ai, tuloy pa rin ang pagpapaligaya niya sa publiko, huh!
   
“Iwas na nga lang ako sa pagsuot ng tangga! Shorts na lang ang suot ko sa concerts ko pero ’yung pagpapatawa ko, tuloy pa rin ’yon!” katwiran ni Ai-Ai.