5,478 guests

Win-win solution sa traffic

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 238

Hala bira!

SA tuwing mapag-uusapan ang buwisit na problema sa trapiko sa Metro Manila, palaging lumulutang ang panukalang 4-day work week.

Ibig sabihin nito, mula sa karaniwang Lunes hanggang Biyernes, 9 a.m. to 5 p.m. na trabaho, gagawin nang Lunes hanggang Huwebes pero 9a.m. to 7p.m. na ang working hours.

Ang wisdom sa likod ng ganitong mga pa­nukala ay upang kahit paano’y mabawas-bawasan ang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan, lalo na kapag Biyernes.

Pero  ito ba talaga ang solusyon sa pesteng problema natin sa trapiko dito sa National Capital Region.

Sa tingin natin, muk­hang band aid solution ang ganitong mga pa­nukala dahil hindi natin nalutas ang problema. Ang totoo, parang inilipat lang natin ang Biyernes chaotic traffic sa Huwebes madness.
   
At kapag nakita nating negatibo ang resulta, baka may mga panukala na naman ng 3-day work week, 9 a.m. to 9 p.m. na trabaho.
   
Kapag pumalpak na naman, isusulong na naman ang 2-day work week hanggang maubos na ang araw ng pagiging produktibo ng ating mga manggagawa.
   
Kung ipapatupad natin ang 4-day work week, wala rin tayong naging solusyon. Sabay-sabay din papasok ang mga manggagawa at tiyak na sabay-sabay din sila uuwi.
   
Sa tingin natin, ang ultimate solution habang hinihintay natin ang mga infra project at mga permanent solution na gustong gawin ni Transportation Secretary Art Tugade ay hatiin natin ang Metro Manila sa West Zone, East Zone, South Zone at North Zone.
   
Dahil hindi mo naman puwedeng kulayan ang noo ng tao na parang color-coding sa MRT na gustong mangyari ng walang kuwentang mam­babatas, natural sa kompanya mo ito paiiralin.
   
Halimbawa lang ito, lahat ng kompanya sa West at East Zone ay magsisimula ang working hours ng 8 a.m. at magtatapos naman ng 5 p.m. Ang mga kompanya naman sa South Zone at North Zone ay magsisimula naman ang working hours nila ng 10 a.m. to 7 p.m.
   
Puwede itong gawing alternate o tig-tatlong araw para mabalanse rin na hindi lahat sa isang zone ang magsasakripisyo. Halimbawa, ang 8-4 working hours muna ay iiral sa East at West mula Lunes hanggang Mi­yerkules then sa susunod na week, sila naman ang 10 a.m. to 7 p.m.
   
Ibig sabihin lahat ng mga manggagawa sa mga kompanyang ito ay magiging ganito muna ang pasok habang naghihintay tayo ng permanent solution.
   
Ang kagandahan dito, hindi magkakasabay-sabay ang mga tao sa pagpasok at pag-uwi na ikababawas ng volume ng sasakyan, pedestrians at mga miron sa kalye.
   
Naniniwala tayo sa sinsiridad ni Secretary Tugade na solusyunan ang problema sa trapik at alam nating ang political will ng Duterte administrasyon ang sagot dito.
   
Umaasa tayong ma­pag-uusapan ng Employers Confederation of the Philippines, workers groups at ng gobyerno ang mga sistemang puwedeng ipatupad para ikaayos ng Metro Manila.
   
Huwag na nating sisihin ang alinmang sektor sa problemang ito, kailangang mag-ambag tayong lahat para makahanap tayo ng win-win solution sa problema sa trapik na 15 years hindi nabigyan ng pansin.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.