4,877 guests

Maging handa

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 287

NAGKASUNUD-SUNOD na naman ang bagyong nanalasa sa ating bansa. Pinakahuli itong si Karen na inaasahang magla-landfall ngayong araw ng Linggo. 

Si Karen ay nasa typhoon category na o katumbas ng isang malakas na bagyo na kung hindi magbabago ang direksiyon at bilis ayon sa PAGASA ay   tinatayang magla-landfall ngayong tanghali sa Quezon-Aurora province.
   
Pero hindi tulad ng bagyo ay  hindi nape-predict ang eksaktong lugar, oras at araw ng pagdating ng lindol dahil sa isang kisapmata, nariyan ang panganib ng pag-uga ng paligid.
   
Hindi pa man nakakaahon sa pinsalang dulot ng bagyong Ferdie na nanalanta sa ilang bahagi ng ating bansa lalo na sa Batanes  ay naririto na naman tayo at humaharap sa isang pagsubok dahil sa bantang malakas na bagyong Karen.
   
Mabuti na rin lang at  mga ari-arian lamang ang karamihan sa pinsalang iniwan ng bagyong Ferdie. Pero ang bawat pagsubok na hinaharap ng ating mga kababayan ay madaling nalalagpasan dahil sa pakikiramay ng marami lalo na ng gobyerno.
   
Nakakatuwa na sa  mga pagkakataong humaharap tayo sa pagsubok ay nakikita naman ang ating pagkakaisa at pagtutulungan. Muli nating naisasapuso ang pagtulong sa kapwa.
   
Ang magandang kaugaliang ito ay manatili sana sa bawat isa sa atin upang kahit anong kalamidad ang humambalos sa atin ay makakayanan nating lagpasan.
   
Kung matatandaan sa mga nagdaang kalamidad na nanalasa sa ating bansa ay naging aktibo ang lahat, lalo na ang mga netizen na nagpamalas ng pagka-aktibo sa pakikiramay sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang uri ng kalamidad.
   
Kalakip ng pakikiramay ay may mga inilunsad na mga fund-raising para tulungang makabangon ang mga nadapang mga kababayan na halos maubos ang lahat ng ari-arian matapos na tamaan ng kalamidad.
   
Huwag naman sanang maging malakas ang epektong hatid ng typhoon Karen pero mas mabuting maging handa ang lahat.
   
Mas mabuting kasabay ng mabilis na pagkalat ng balita patungkol sa bagyo ay maging mabilis din namang assembly ng rescue effort at relief operation ang mangyari.
   
Mahalaga kasi na sa lahat ng pagkakataon ay binubuhay natin ang volunteerism. Hinihikayat ko kayo na tumulong hindi man personal na makapunta sa nasalantang lugar.
   
Anumang maibabahagi natin sa ating mga kababayan ay makapapawi sa traumang dulot ng kalamidad.
   
Pero higit sa kung anupaman ang pinakamahalaga sa lahat ay dapat tayong laging maging handa anumang oras at sa anumang pagkakataon.