5,335 guests

Nanay ng batang aktres, pailalim rumaket

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 746

GUMAGAWA na ng sariling raket ang nanay ng isang batang aktres. Hindi na raw kasi sila nabibigyan ng pagkakakitaan ng handler ng career ng anak.

Kinakapos na raw ang ina. There was a time kasi, namayagpag ang career ng anak niya.

So, sa halip na ipadaan pa ang raket sa handler, walang pakialam ang ina kung malaman at mapagalitan sila nito, huh! 
   
Lalo na ngayong malapit nang mawalan ng regular show ang anak.

* * *

JANUARY next year pa ang dating ng panganay na anak ni Ogie Alcasid na si Leila mula sa Australia. Pero bago pumunta ng bansa, may chance na magkita ang mag-ama sa gagawing Australian concert tour ni Ogie sa November.
   
“Isang taon siyang titira sa bahay or maybe longer,” sabi ni Ogie nang magkita kami sa isang corporate event sa Manila Peninsula last Thursday.
   
Hindi naman daw kinakikitaan ng pagkahilig sa showbiz si Leila. Gusto raw subukan ng anak na maging model.
   
’Yun nga lang daw, mas mataas lang ito nang konti sa kanya kumpara sa matangkad niyang ina na si Michelle van Eimeren.
   
Just recently, napanood si Ogie sa isang musical variety show, kung saan binigyan siya ng tribute. Pero wala pang katiyakan kung lilipat na siya ng network.
   
“Nag-uusap pa ang lahat kasama si Leo (Dominguez, his manager). Kaya puwede akong lumabas sa ibang networks. Wala naman kasing bawal,” rason ng singer-songwriter.
   
Komo wala pang regular na TV show sa Kapatid Network, sinasamantala ni Ogie ang pagtanggap ng trabaho maging sa abroad.
   
Nasa Legaspi siya sa October 21. Ang shows naman niya sa Australia ay gagawin sa Wellington sa Nov. 5; Brisbane, Nov. 6; at Sydney, Nov. 11.
   
Ngayong gabi naman ang repeat ng concert niyang Ayokong Tumanda sa Music Museum at sa December 2, makakasama niya sa Kia Theater sina Rey Valera at Louie Ocampo.

* * *

HIGIT na expressive si Direk Perci Intalan sa shoutout niya sa kanyang social media account tungkol sa relasyon nila ni Direk Jun Lana.
   
Gaya kahapon, buong ningning na pinost ni Direk Perci ang kasal nila ni Direk Jun sa Facebook account niya.
   
Naganap ang kasalan sa New York noong October 14, 2013. Three years na silang kasal at meron na silang “anak,” huh!
   
Busy si Direk Jun sa post production ng latest film niyang Bakit Lahat ng Gwapo, May Boyfriend?!, na showing na next week, Oct. 19.
   
Inaayos din niya ang isang movie na ginawa nila, ang Manananggal sa Unit 23b na pinagbibidahan ni Ryza Cenon.
   
Sina Direk Jun at Perci ang counterpart nina Aiza Seguerra at Liza Diño na nagpakasal din sa Amerika at maligayang nagsasama ngayon.

* * *

WALA mang lovelife after Kiko Estrada, may fall back na career naman si Kim Rodriguez.
   
Bida siya tonight sa episode ng Magpakailanman na You & Me Against the World na mala-Romeo & Juliet ang tema.
   
Makakasama ni Kim sa episode si Hiro Peralta, na ipaglalaban ang pag-ibig kahit mortal na magkaaway ang kanilang mga ama.
   
Base ito sa isang true-to-life story.