4,537 guests

Dick, yumao na

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 681
Dick Israel
Dick Israel

ISA na namang miyembro ng sining ang sumakabilang buhay, ang award-winning veteran character actor na si Dick Israel, Ricardo Vizcarra Michaca sa tunay  na buhay na binawian ng buhay noong Martes, alas-7:30 ng gabi , October 11 sa edad na 68.  Hindi na inabot ni Dick ang kanyang ika-69th birthday on December 10.

Noong nakaraang July ay binulaga ni Dick hindi lamang ang showbiz kundi ang publiko nang i-post ng isang nagngangalang Sidemiod Francisco ang kanyang panawagan sa social media account na tulungan ang actor dahil sa nakakaawang kalagayan nito. May litrato ito na magkasama sila ni Dick.

Umani ng maraming shares ang nasabing post kaya buhos ang tulong na dumating kay Dick laluna nang siya’y makapanayam ni Korina Sanchez sa kanyang “Rated-K” Sunday TV program sa ABS-CBN.

Si Dick ay kabilang sa maraming kilalang  character actors tulad noon nina Max Alvarado, Paquito Diaz at iba pa.

Matapos igupo si Dick ng sakit sanhi ng stroke at pagka-paralisa ng kalahati ng kanyang katawan, hindi na muling nakapagtrabaho ang actor.  Huli siyang napanood sa pelikulang “Boy Golden” in 2013 na pinagbidahan ni Jorge Estragan (E.R. Ejercito) na naging kalahok sa Metro Manila Film Festival nung taon ding `yon.

Lalo pang nadagdagan ang problema ni Dick nang masunog ang kanilang bahay sa Caloocan at walang natira sa kanilang mga kagamitan.
   
Hanggang sa kanyang paglisan ay hindi na nakuha pang makatayo at makalakad  ni Dick at hirap na rin ito sa kanyang pagsasalita.
   
Iniwan ni Dick ang kanyang ex-wife na si Melina at mga anak na sina Wayne, Raksi at nag-iisang babae  na si Lara na dumating na marahil galing sa ibang bansa.
   
Kasalukuyang naka-burol ang mga labi ni Dick sa St. Peter- Araneta Avenue in Quezon City.

KRIS AT JAMES, MAY GAP NA NAMAN

MAY gap na naman ang dating mag-asawang Kris Aquino at James Yap. Ito’y may kinalaman sa hindi umano pagtatapat nang personal ni James sa kanilang anak na si Bimby na magkakaroon na ito ng baby brother courtesy of James’ current Italian girlfriend na si Michela Cazzola.  Nalaman lang daw ni Bimby ang tungkol dito sa Facebook kaya nagtampo ang bata sa kanyang ama.
   
Marami na rin ang pinagdaanan ang  relasyon nina Kris at James matapos nilang maghiwalay at parating naiipit sa sitwasyon ang kanilang anak na si Bimby.
   
Sa sitwasyong ito, dapat si James na siguro ang mag-reach out kay Kris at Bimby.

FAYE NI ENTENG, SORPRESA

IN full swing na ang shooting ng bagong movie ni Vic Sotto, ang “Enteng Kabisote 10” which is intended for the upcoming Metro Manila Film Festival na magkatulong na pinamamahalaan nina Tony Reyes at Marlon Rivera for OctoArts Films, M-Zet Films at APT Entertainment.
   
Bukod kay Bossing (Vic), tampok din sa “Enteng Kabisote 10” sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Oyo Sotto, Epi Quizon,  Cacai Bautista, Ken Chan, Bea Binene, Ryza Cenon at ang child star na si Alonzo Muhlach at may special participation ang phenomenal pair na sina Alden Richards at Maine Mendoza at iba pang malalaking stars.
   
Marami ang nagtatanong kung sino ang gaganap sa papel na Faye sa pelikula sa “Enteng Kabisote” pero ito ang sorpresang dapat abangan.

NAKAKA-ENJOY KAPAG NAKALUSOT

KAHIT bago pa  lamang ang Cineko Productions na binubuo ng mga young businessmen-producers, malakas ang kanilang paniniwala na hindi babalewalain ng MMFF Screening Committee ang kanyang kauna-unahang pelikula na gusto nilang isali sa taunang Metro Manila Film Festival, ang “Mang Kepweng Returns” na pinagbibidahan ang dancer-turned comedian-TV host na si Vhong Navarro mula sa pamamahala ni GB Sampedro at remake ng pelikulang unang pinasikat ng yumaong komedyante na si Chiquito.
   
Kapag nakasulot sa MMFF ang “Mang Kepweng Returns,” tiyak umanong magi-enjoy ang mga bata at buong pamilya at pati na ang magkakabarkada dahil mai-entertain sila sa pelikula.