5,249 guests

Dumating na ang tunay na pagbabago

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 2383

“CHANGE is coming.” Ito ang pangako ni Pangulong Rody Duterte noong siya’y kumandidatong Pangulo sa nagdaang halalan. 

Nakuha niya ang higit 16 milyong boto, ang pinakamalaki sa ating kasaysayan dahil sa pangakong ito -- ang pagdating ng pagbabago sa bansa.
   
Ngayon, Oktubre 9, 2016 ang ika-100 araw ng panunungkulan ni Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas, ang tanong: Nagkaroon ba ng makabuluhang pagbabago sa loob ng 100 araw ng kanyang pamumuno?
   
Ang sabi ko’y makabuluhang pagbabago at hindi basta pagbabago at ang sagot ko rito’y dumadagundong na OO, dahil sa sumusunod niyang ginawa:  
   
Una. Ang seryoso niyang kampanya laban sa droga na ikinamatay ng 3,174 drug pushers, addict at ibang kriminal (1,390 sa legitimate police operation at 1,784 na gawa ng mga vigilante),  na nagtulak sa mahigit 700,000 drug addicts na sumuko upang magamot at magbago.
   
Ang malaking bilang ng mga namatay ay nagpatahimik sa maraming lugar sa bansa, na ikinatuwa ng mga mamamayan, lalo ng mga magulang at kababaihan na nakalalabas na ng tahanan nang walang pangamba, dahil nadispatsa na ang mga kriminal at pusakal sa kanilang lugar.
   
Pangalawa. Ngayon lang nangyari, na ang mga PNP general, senador, congressman, gobernador, mayor, pulis at barangay opisyal ay pinapangalanan, hinuhuli at kinakasuhan. Kahapon lang, ang ’di mapasok na Islamic Center sa Quiapo, Manila ay sinalakay ng PNP, na ikinamatay ng barangay chairman, kanyang kapatid  at limang tao, na di-umano’y sangkot sa droga.
   
Pangatlo. Ang pagtalaga ng indefinite ceasefire ng pamahalaan sa mga rebeldeng grupo, MILF, MNLF at CPP-NPA-NDF, na nagdulot ng katahimikan at pag-asang wakasan ang mahigit 40 taong rebelyon sa bansa.
   
Pang-apat. Ang pagputol ng Pangulo sa pagiging tuta o sunud-sunuran ng Estados Unidos at European Union at pagtaguyod ng “independent foreign policy” ng Pilipinas bilang malayang bansa.
   
Pang-lima. Ang pamamahagi ng lupa sa mga walang lupa sa ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao, na gagawin sa buong Pilipinas, kasama ang Hacienda Luisita, na pag-aari nina dating Pangulong Noynoy Aquino.
   
Pang-anim. Ang pagtuldok sa ENDO, na balakid sa pagiging permanente ng mga manggagawa, kung saan higit 10,000 contractual employees ang ginawang regular ng ilang kumpanya, dahil sa utos ni Pangulong Rody na isara ang mga kumpanyang ’di tumutupad sa pag-regular sa mga empleyado.
   
Pang-pito. Ang paglabas ng Executive Order na nagtalaga ng Freedom of Information (“FOI”), nang malaman ninuman na ang mga kontrata ng pamahalaan ay malinis at walang katiwalian. Sa FOI na ito, naunahan ng Pangulo ang mga mambabatas na hanggang ngayon, matapos ang anim na taong termino ni Aquino, na nangako nito, ay binibinbin pa rin sa Kongreso.   
   
Pang-walo. Ang pagtayo ng One-Stop-Shop para sa OFWs, kung saan makukuha sa isang lugar, lahat ng papeles na kailangan sa pagtrabaho sa ibang bansa.
   
Marami pang pagbabago ang naganap sa 100 araw ng liderato ni Pangulong Rody, na nagbabadya ng pag-asa sa ating bayan.
   
Katunayan, maraming nagsasabi, na ang mga nagawa niya sa maikling panahon ay higit sa mga ginawa, kung mayroon man, ng nagdaang administration. Sang-ayon ako rito. 
   
Tatlong buwan at 10 araw pa lang Pangulo, ang ating Tatay Digong, subali’t ganu’n kalaking pagbabago ang nagawa niya sa bansa. Paano pa, sa mga susunod na 100 araw ng kanyang pamumuno, hanggang 2022?
   
Tiyak na uunlad at ganap na magbabago ang Pilipinas.
   
Ito’ng dahilan bakit ang mga grupong nakakakilala sa pagkatao at naniniwala sa liderato ni Pangulong Rody, gaya ng Lex Talionis Fraternitas Inc., na pinamumunuan ni Atty. Jose Ngaw, Brotherhood for Duterte, na ang lider ay si Atty. Ben Malcontento, Aguila for Duterte, na pinamumunuan ni Atty. Reggie Francisco at NAKABAKA (Nagkakaisang Kapatiran para sa Bayan at Kabataan) na pinamumunuan ni Atty. Flint Cruz at inyong lingkod, ay itinayo ang Nagkakaisang Pilipino Para sa Pagbabago (“NP3”), upang hikayatin ang mga Pilipino, pati nasa ibang bansa, na suportahan at isakatuparan ang mga pagbabagong ginawa at gagawin ni Pangulong Duterte,  para sa tunay na pagbabago at pag-unlad ng ating bansa. 
   
Magkaisa na po tayo, para sa ating bayan.