9,480 guests

Lolong taxi driver kinatay ng 2 pasahero!

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Top Stories
  • Read: 355

ISANG 67-anyos na taxi driver ang pinagsasaksak at sinakal hanggang mamatay ng kanyang dalawang pasahero kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.    Sinabi ni Valenzuela police chief Senior Supt Ronaldo Mendoza na ipinapalagay ng mga imbestigador na hindi pagnanakaw ang dahilan sa pamamaslang kay Wenceslao Alcantara, biyudo, ng 201 Mabuhay Compound, Sauyo, Quezon City, dahil ang kanyang mahahalagang gamit, kabilang ang kanyang  cellular phone, ID at kinita na P1,500, ay nasa kanya pa rin.

Ayon kay homicide investigator SPO2 Rey Bragado, bago nakita ang katawan ng biktima, naghahatid si  Laurence Rivares, tricycle dri­ver, ng kanyang mga pasahero sa Disiplina Village, Bgy. Ugong, nang makita niya ang biktima sa loob ng kanyang taxi na Lady Mely (TXJ-751) na nakaparada sa kabilang panig ng  NPC Road bandang alas-2:40 a.m. habang may da­lawang ’di nakilalang lalaki na naka-bull cap ang mabilis na naglalakad patungong  GSIS Village.

Ini-report ni Rivares ang kanyang nakita sa pulisya na kaagad nagresponde at nakita ang bangkay ng biktima na may maraming saksak sa dibdib.

Nakita rin ang isang itim na sinturon na pinangbigti sa biktima at nakatali pa sa kanyang leeg at nakakabit din sa upuan ng driver.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis para matukoy ang mga suspek at maaresto.