4,735 guests

Sex abuse, pananakit sa matatanda may parusang 12 taong kulong!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Top Stories
  • Read: 416

MAHIGPIT nang ipinagbabawal ang pananakit, pagpapabaya at iba pang uri ng pang-aabuso sa mga nakatatanda oras na maipasa bilang batas ang panukala ni Senador Sonny Angara na naglalayong pangalagaan ang mga senior citizen. “Kilala ang mga Pilipino sa tradisyong paggalang sa matatanda, kaya’t nakalulungkot na dumarami ang mga insidente ng pang-aabuso sa kanila,” ayon kay Angara.

Sa kanyang panukalang batas, ang Senate Bill 1012 o ang Anti-Senior Citizen Abuse Act of 2016, nakasaad na papatawan ng mabigat na parusa ang sinumang mapapatunayang nang-aabuso sa mga nakatatanda.

Kabilang sa mga uri ng pang-aabuso ay ang pisikal na pananakit tulad ng pananampal, panghahampas, pambubugbog, malakas na panunulak, pangangaladkad, paninipa, pa­ngungurot, pamamaso, pagpapainom ng ’di nararapat o nauukol na gamot, sapilitang pagpapakain at iba pang uri ng pisikal na pagpapahirap.

Gayundin ang pang-aabusong sekswal tulad ng rape, panghihipo, sodomya (sodomy), sapilitang pagpapahubad ng kanyang mga kasuotan, pagkuha ng kanyang larawan sa malalaswang paraan at paghawak sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Isa rin ay ang psychological abuse tulad ng pang-iinsulto sa kanyang pagkatao, panghihiya, pagmumura, pagtatawa, pangmamaliit at ang paghihiwalay sa kanya mula sa mga kasamahan.
   
Ipagbabawal din ang economic abuse tulad ng pagpapabaya sa kanyang mga pangangailangang pinansyal, pagwawaldas sa kanyang sariling pera o ang pakikialam sa kanyang mga ari-arian nang walang pahintulot, pagpapapalit sa kanyang tseke nang walang awtorisasyon, pamemeke sa kanyang lagda, sapilitang pagpapapirma sa kanya ng ilang dokumento at ang maling paggamit ng conservatorship, guardianship at power of attorney.
   
Papatawan ng parusa ang pagpapabaya sa isang senior citizen na hindi na pinakakain, hindi na binibigyan ng kanyang mga bita­mina at gamot at pagbabalewala sa kanyang kaligtasan.
   
Ang sinumang mapatutunayang umabuso sa isang nakatatanda sa pamamagitan ng pambubugbog at panghahalay liban na lang sa kasong rape o panggagahasa, at psychological abuse ay may kaukulang parusa na pagkabilanggo nang mula anim hanggang 12 taon.
   
Ang mapapatunayan namang nagkasala ng economic abuse ay may karampatang parusa na prision correccional o pagkabilanggo nang mula isa (1) hanggang anim (6) na buwan.
   
“Tungkulin nating pa­ngalagaan ang sektor ng mga nakatatanda at kabilang sa mga tungkuling ito ang pagkakaloob sa kanila ng nauukol na proteksyon. Ang mga usaping may kinalaman sa mahigit anim na milyon nating senior citizens ay hindi dapat ipagwalang bahala sapagkat may kinalaman ang bawat isa sa atin sa kani-kanilang sitwasyon,” ani Angara na isa sa mga may-akda ng Expanded Senior Citizens Act.
   
Base sa isang pag-aaral ng University of the Philippines, lumalabas na ang mga pangunahing personalidad na nangunguna sa pagmamaltrato sa mga nakatatanda ay mismong ang kanilang mga anak, asawa at mga apo.
   
Kadalasan, ayon sa ulat, nangyayari ang mga pang-aabuso kung ang anak o mga anak ng isang senior citizen ay lango sa ipinagbabawal na gamot.
   
Dahil dito, iniaatas ng panukalang batas ni Angara ang pagtatatag ng isang senior citizens help desk upang magbigay ng agarang tulong sa senior citizens na biktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso. 
   
Nilalayon pa rin ng panukala ng senador ang pagkakaloob ng pansamantalang tirahan sa mga biktima, gayundin ang libreng counselling, psycho-social services and recovery, rehabilitation programs, at mga tulong pangkabuhayan sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.