5,943 guests

Ex-QC cop itinumba ng RIT gunmen

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena with Jenesis Ann Canua
  • Published in Metro
  • Read: 286

Patay ang isang dating pulis makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects habang lulan ng kanyang tricycle sa Quezon City kahapon.

Sa inisyal na ulat kay QCPD director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng Police Station 3, kinilala ang biktima na si Salah Uddin, 63, may-asawa, retired policeman, ng Salaam St., Salaam Mosque Village, Bgy. Culiat, QC.

Base sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng isang car wash sa Tandang Sora Ave., Bgy. Culiat Quezon City, alas-10:20 ng umaga.

Papunta sana sa isang depot ang biktima, kasama ang isang Jessie Ocampo, sakay ng kanilang tricycle para bumili ng floor tiles sa Visayas Avenue para sa pinagagawa nitong bahay nang maganap ang pamamaril.

Habang tinatahak ng kanilang tricycle ang Tandang Sora Avenue, bigla na lamang sumulpot ang armadong riding-in-tandem suspects at pinagbabaril ng back rider ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay humarurot patakas patungo sa Commonwealth Avenue ang mga suspek, habang mabilis namang isinugod sa New Era Hospital si Uddin subalit hindi na ito umabot nang buhay.
   
Sa imbestigasyon, si Uddin ay isa umano sa mga boluntaryong nagpa-patupad ng checkpoint sa gate ng Salaam Mosque Compound upang masawata ang iligal na droga dito.
   
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.