4,993 guests

Delivery truck hinoldap ng RIT suspects, P183-K tinangay

  • Written by Gil Aman
  • Published in Provincial
  • Read: 351

Sapul sa CCTV ang isinagawang pangho-holdup ng riding-in-tandem suspects sa isang delivery truck na naglalaman ng gatas sa Bgy. San Marcos, San Pablo City, kamakalawa ng umaga.

Nakahimpil sa gilid ng kalsada ang nabanggit na delivery truck bago naganap ang insidente. Ayon sa pulisya, aktong sumasakay ang mga pahinante nang biglang sumulpot ang mga suspek at tinutukan agad ang mga ito ng baril kasunod ang pagtangay sa isang maliit na bag na naglalaman ng mahigit P183,000 cash.
    
Ayon sa ulat ni Supt. Raynold Rosero, hepe ng San Pablo police, kay acting Laguna police director Senior Supt. Joel Pernito, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng umaga sa Bgy. San Marcos habang katatapos pa lamang umanong mag-deliver ng truck ng Alaska products sa lugar.
 
Makaraan ang mahigit dalawang oras, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang isa sa mga helper ng delivery truck na si Jayson Devera, 31, ng Alaminos, Laguna, at nagbigay ng impormasyon tungkol sa naganap na insidente kung saan patuloy pang kinikilala ang mga suspek.
     
Samantala, hindi naman inaalis ng pulisya na posible umanong inside job ang naganap na nakawan at patuloy na sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang tsuper at pahinante nito.