6,557 guests

Press, off limits sa lovelife ni Jennylyn

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 691

Angel at Zanjoe, pinag-iingat ma-rebound

Hindi na naman puwedeng tanungin si Jennylyn Mercado tungkol sa kanyang lovelife at sa kanila ni Dennis Trillo. 

Nakiusap ang kampo ng aktres-singer na no questions on Jennylyn’s lovelife sa press people na dumalaw sa taping ng Superstar Duets, kung saan siya ang host.
   
Madaling dedmahin sa mga interview ang lovelife ni Jennylyn, kaya lang, lately, napapadalas ang sightings sa kanila ni Dennis.
   
Pati sa paggu-grocery sa UP Town Center, nakita sila at nakunan ng picture. Sa beach clean-up, magkasama rin sila at may mga picture pa.
   
Kaya naman, mahirap ito sa mga reporter.
   
Anyway, enjoy si Jennylyn sa paghu-host ng Superstar Duets dahil walang masyadong pressure.    Tawanan lang sila ng judges at contestants at siya raw ang taga-awat sa mga pasaway na contestant ’pag naglalaglagan.
   
Gaya sa judges na sina Christian Bautista at Aicelle Santos at contestants na sina Jorosso Gamboa at Jerald Napoles, si Nar Cabico ang choice ni Jennylyn na manalo sa Superstar Duets.
   
Wala siyang paborito, magaling talaga si Nar at second choice niya si Rita Daniela.
   
Iyun nga lang, natapos ang interview kay Jennylyn na hindi siya natanong tungkol kay Dennis at hindi rin natanong sa update sa My Love from the Star kung sino na ang kapalit ni Alden Richards. 

* * *

As of yesterday, umabot na sa 3.2M ang views sa Facebook ng teaser ng Star Cinema movie na The Third Party at tiyak na tataas pa ito ’pag malapit na ang showing ng movie sa October 12.
   
Nagandahan at naaliw ang mga nakapanood sa teaser sa mga eksena nina Angel Locsin, Zanjoe Marudo at Sam Milby at dagdag na tuwa ang gay angle ng movie sa direction ni Jason Laxamana.
   
Nakatutuwa ang convo nina Angel at Zanjoe habang nagda-dubbing.
   
Sabi ni Zanjoe, “cute” ang full trailer ng movie nila na sinang-ayunan ni Angel. Tapos nagtanong si Zanjoe kay Angel ng, “ano gusto mo celebrate, love???”     Sumagot  si Angel ng “meron ka ba??? at muling sumagot si Zanjoe ng “wala, pareho tayo.”
   
May mga nagpayo kay Angel na ’wag munang ma-in love lalo’t pareho sila ni Zanjoe na galing sa break-up.
   
Pero obvious namang nagbibiruan lang ang dalawa, kaya hayaan na natin. Baka parehong maging rebound BF/GF ang dalawa.

* * *

Kahit si Max Collins, payag magpa-drug test para lang  ipaalam na hindi siya gumagamit ng illegal drugs.
   
“I want to be fair and it is the right thing to do,” wika niya.
   
Any time raw, ready siya na magpa-drug test.
   
Pero nag-agree rin si Max sa nabanggit ni Robin Padilla na dapat pati mga politician, magpa-drug test lalo na’t sila ang nagpapatakbo sa bansa natin.
   
Sang-ayon din siya kay Robin na baka maapektuhan ang trabaho ng mga artista na masasama sa listahan, kaya dapat careful sa paglabas nito.
   
Naniniwala rin si Max na dapat bigyan ng second chance ang mga celebrity to clean themselves.