4,780 guests

Kring-Kring at Goma, pinagsasabong!

  • Written by IAN F. FARIÑAS
  • Published in Showbiz
  • Read: 494

DAHIL parehong typhoon-battered areas ang Ormoc at Tacloban sa Leyte, pinagsasabong ngayon ang dalawang showbiz celebrity-mayors na sina Richard Gomez at Cristina Gonzalez-Romualdez.

Sina Goma at Cristina ang mga bagong upong mayor ng Ormoc at Tacloban, respectively. Komo parehong taga-showbiz, pinagkukumpara ang kanilang mga achievement sa loob ng 100 days in office.

May mga nagsasabing mas magaling si Mayor Cristina dahil mabilis ang pag-angat ng Tacloban mula nang bayuhin ng Bagyong Yolanda.
   
Pero aniya, “’Wag naman. Richard is doing a very good job. Ormoc and Tacloban are sister cities.”
   
Sa pananaw ni Mayor Cristina, gaya niya, ginagawa rin ni Mayor Richard ang makakaya para tuluyang maisaayos at mapabuti ang pamumuhay ng mga taga-Ormoc.
   
Sa pakikipag-usap sa ilang showbiz press na bumisita sa Tacloban nu’ng nakaraang linggo, ibinalita ng misis ni dating Mayor Alfred Romualdez ang ilang mga programa at proyektong tinututukan ng lokal na gobyerno sa ilalim ng kanyang pamamahala.
   
Halimbawa, ang bagong tatag na Community Climate Guide and Response text alert system na sinimulang buuin matapos hagupitin at pulbusin ng Bagyong Yolanda ang Tacloban tatlong taon na ang nakararaan.
   
Pangunahing pakay ng CCGR ang pagiging disaster-prepared ng siyudad. Centralized ang naturang pre-disaster text alert system na bukas sa publiko 24/7, katulong ang dalawang pinakamalaking mobile networks sa bansa, Globe at Smart.
   
Sa pamamagitan nito, makakapag-text blast ang iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan para ipaalam sa Taclobanons ang weather updates, suspension ng classes, tsunami, lindol, evacuation centers, balita sa pagbabaha, atbp.
   
Sa ganitong paraan, maaalarma raw nang mas maaga ang mga residente sa mga kaganapan sa kanilang mga lugar.
   
Two way din ang kapakinabangan ng CCGR in the sense na ’pag may emergency situation na mangangailangan ng serbisyo mula sa lokal na ahensiya ng gobyerno gaya ng Bureau of Fire, Tacloban Police, Tacloban Rescue Unit at kung anu-ano pa, maaari ring mag-text o tumawag ang sinuman sa hotline na 888-0911.
   
Kailangan lamang mag-register ng residente kasama ang buong pangalan at address sa 0920-9000911 o kaya’y 0977-8080911.
   
Maging ang mga taga-Metro Manila o iba pang lugar na may kamag-anakang nangangailangan ng tulong sa Tacloban, maaaring gumamit ng CCGR sa pareho ring proseso.
   
Kasunod ng CCGR ang paglulunsad ng ID system, kung saan color-coded ang kada barangay. This way, diin ni Mayor Cristina, mas magiging sistematiko ang  paglilikas sa mga residente sakaling may mangyaring sakuna.
   
Maiiwasan din daw ang kalituhan, tulad nu’ng Yolanda, dahil susundin lamang ng mga disaster victim ang kulay sa ID nila na nagma-match sa kulay ng bawat itatayong evacuation center sa kanilang mga lugar.
   
Kwento ni Mayor Cristina, malaki ang partisipasyon ni Sen. Loren Legarda sa patuloy na pagbangon ng Tacloban tungo sa pagiging “Clean, Green and Resilient.”
   
Marami raw itong naibibigay na suhestiyon o input para mas maging handa sila sa pagharap sa natural disaster.
   
Bukod sa foreign aid na natanggap ng Tacloban nu’ng kasagsagan at pagkatapos ng Yolanda, kinilala rin ng dating aktres ang tulong ng ilang mga taga-showbiz, local at international, sa pangunguna na nga ng Kapuso Foundation ni Mel Tiangco ng GMA-7.
   
Personal nakita ng showbiz press ang lawak at ganda ng ipinatayong Kapuso Village, na naglalaman ng mahigit 300 row houses.
   
Nag-cater ito sa mga pamilyang may anim o higit pang miyembro na lumaban naman sa hamong 500-hour sweat equity program. Ibig sabihin, ang tinanggap na housing certificates ng mga residente ay katumbas ng 500 oras ng pagtatrabaho sa itinayong village.
   
Halos tatlong ektarya ang lawak nito na may iba’t ibang pasilidad, tulad ng eskwelahan, playground at women’s center.
   
Sa paglilibot pa ng writers sa Tacloban, bumungad din ang isa pang proyekto ni Mayor Cristina para sa mga kababayan. Ito ay ang itinatayong Tacloban Astrodome Family Park sa tabi ng Tacloban Astrodome na matatandaang nilamon din ng higanteng tubig nu’ng Yolanda.
   
Maging ang mismong Astrodome, sumasailalim sa rehabilitasyon.
   
Ilang memorials din ang namataan ng grupo, tulad ng Samarnon Yolanda Memorial at ang bagong pinturang labi ng M/V Eva Jocelyn na nanagasa ng ilang kabahayan nu’ng kasungitan ng Yolanda.
   
Para sa bagong halal na mayora, mahaba pa ang tatakbuhin ng kanyang mga programa at marami pang hamon ang susuungin para masabing balik na nga sa dating sigla ang lugar nila.
   
Pero naniniwala siya na kaya itong bunuin sa pagtutulung-tulong ng Taclobanons hanggang sa maipatupad ang lahat ng reporma na nasa agenda niya at ng team niya.
   
Sa termino rin ni Mayor Cristina lalagpak ang ikatlong anibersaryo ng Bagyong Yolanda sa Nobyembre, kaya ngayon pa lang, pinaghahandaan na rin niya ang mga aktibidades na gagawin sa pag-alala nito.