7,557 guests

FOI at planta nukleyar

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 79

Paul's Alarm

BAGO ang lahat, pagbati muna kina kasamang Rudy Andal ng Pilipino Star Ngayon at Rolly Carandang, na nagdiwang ng kanilang kaarawan ngayong Linggo at parehong Lifetime Members ng National Press Club  (NPC). Sa madaling salita, mga kabayan, may “ideya” na kayo kung ilang taon na sila, hehehe.

Oops! Pagbati rin sa aking kababayan  sa Laguna na si Nimfa Ravelo  ng DZBB,  isa sa pinakamasipag na radio reporter  sa Senado.

* * *

Muling ikinasa ni Senator Grace Poe ang Freedom of Information  (FOI) Bill ngayong ika- 17th Congress.

Ito na ang ikatlong beses na naisampa ang FOI pero  hind ito gumulong sa Kamara, dahil nga sa hindi naman ito prayoridad ng mga nakalipas na administrasyon.

Kabilang  po ang inyong lingkod sa mga nakumbida  bilang Presidente ng  NPC at ikinalulugod din natin na ibalita sa inyo na kaisa  ng sambayanan ang NPC na naghahangad na maipasa ang FOI sa lalong madaling panahon.

Una itong naikasa sa panahon pa ni Pang. Corazon Aquino, noong 1988, sa naging panukala ni dating Sen. Raul Roco (sumalangit nawa).
   
“Bukambibig ito noong 2010 campaign ni Pang. Noynoy Aquino,  pero hindi rin ito “gumulong” sa Kamara.
   
Sa pagtaya ni Senadora Poe,   sa  Abril sa susunod na taon ay maipasa na ito, at sana sa Kamara ay maipasa na rin ito upang maging ganap nang batas.
   
Ayon nga  sa ating Senadora, kailangang himayin at suriin ang lahat na nais ipasok sa FOI at nang sa ganoon ay tunay na magsilbi ito ayon sa pangangailangan ng  ating mga kababayan..

* * *
   
Napapanahon na ang paggamit natin ng plantang nukleyar  bilang pangunahing source of energy  ng bansa dahil malaki ang matitipid natin sa kuryente, at kung mababa ang singil, tiyak na dadami ang mga pabrika at trabaho at tuluy-tuloy ang pag-unlad ng ating ekonomiya.
   
Nitong nakaraang  Biyernes,  binisita ng Senate Committee on Energy   ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong, Bataan.
   
Sa pagtaya ng mga eksperto, pwede daw paganahin ang BNPP at ligtas naman daw ito sa anumang sakuna kahit  tatlong dekada na itong  nagawa.
   
Ang BNPP ay proyekto pa noong Marcos Administration at tuluyan itong binasura ng mga sumunod na administrasyon dahil na rin sa isyu ng korapsyon.
   
Matagal na  nating nabayaran ang BNPP at sa aking palagay ay panahon na para naman mapakinabangan  ito, ang kailangan lang ay masuri ito kung ligtas at kung maaari na itong magamit bilang pagkukunan natin ng murang enerhiya.

GUESS  WHO  
   
Sino itong  tauhan ng isang mambabatas na mahilig sa kaning-lamig?
   
Ang  pagkain daw para kay Ma’am ay madalas lantakan ng ating bida.  Wala namang problema  kay madam. Kaya lang,  may pagkakataon na dumating si Ma’am at medyo “tomguts” ...at wala siyang matsurba, aruy!
   
Natawa na lang daw si Ma’am kasi nga naman ang ating bida ay medyo may “kalusugan” ebidensya na nasa mabuting tiyan ang mga pagkain ni Madam. Ayos, hehehe!