6,374 guests

IG emote ni Kris, sinagot ng ABS-CBN

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 733

Alex, tawag kay Marco: ‘My own Dao Ming Su’

Nasa Japan si Kris Aquino at ang mga anak na sina Joshua at Bimby para sa short vacation bago sumabak sa binanggit na taping ang TV host-actress. 

Parang nagbago na ang tono ng followers ni Kris dahil ang karamihan sa kanila ay hindi na galit o nagtatampo sa pag-alis ni Kris sa ABS-CBN at sa GMA-7 na mapapanood.
   
Ang napansin lang namin, sa dami ng nagsasabing i-a-unfollow nila si Kris dahil sa pag-alis sa ABS-CBN, hindi pa rin naman nababawasan ang 2.7M followers nito.    
   
Ano ’yun, echos lang ng netizens na nagtampo sa kanya?
   
Samantala, naglabas ng statement ang ABS-CBN bilang sagot sa post ni Kris sa Instagram (IG).
   
“We thank Kris for the many years that she has been a Kapamilya bringing joy, hope, and inspiration to our viewers worldwide. She will always be a Kapamilya and we wish her well in her new journey.”

* * *

Ang cute ni Alex Gonzaga sa tawag kay Joseph Marco, leading man niya sa Regal Films na My Rebound Girl.
   
“My own Dao Ming Su” ang tawag ni Alex sa aktor dahil siguro singkit. Aprubado sa fans ng dalaga ang tawag niya sa kapareha pati ang picture nilang pinost niya sa social media sa rami ng likes.
   
Base sa trailer na pinu-post ng producer na si Roselle Monteverde, may malaking part ang coffee sa pelikula dahil ang tagline nito ay: “Brewing September 28,” playdate ng pelikula.
     
Si Emman dela Cruz ang director na rom-com movie. 
     
’Pag nagpu-promote ng My Rebound Girl sina Alex at Joseph, laging puno ang mall shows at ang trailer, umabot na sa more than 1M views.
   
Umaasa ang Regal Films na hindi lang sa trailer sila manood, kundi pati sa showing ng pelikula.

* * *

The day after the presscon of Alyas Robin Hood kinunan ni Director Dominic Zapata ang isa sa pinakamahirap na eksena ng action series.
     
Ito ’yung dadalhin si Dingdong Dantes, bilang si Pepe de Jesus, sa malayong kulungan at sakay siya ng truck na mahuhulog sa isang tulay.
     
Nakita namin sa Instagram (IG) ni Dingdong ang picture na nasa truck siya at nakaposas. Ikinuwento ni Direk Dom kung paano ang eksena at kung paano kukunan, ang nakalimutan naming itanong ay kung si Dingdong pa rin ang gagawa nito dahil ayaw magpa-double.
   
Dream come true kay Dingdong ang Alyas Robin Hood dahil mahilig siya sa action at dito, nakakagawa siya ng fight scene na hindi pang super hero.   Nag-aral siya ng archery para sa mga eksenang papana siya, pero may iba pang action scenes siyang gagawin.
   
Sa Monday, September 19, pagkatapos ng Encantadia, mapapanood na ang Alyas Robin Hood na naging controversial.
   
Naniniwala si Dingdong na mas nakatulong kesa nakasira ang controversy na nagsimula sa isang fan-made poster.

* * *

Na-interview si Janice de Belen at natanong tungkol sa Oh, My Mama!, ang launching ng anak niyang si Inah de Belen sa GMA-7.
   
Ayon kay Janine, ang payo lang niya sa anak ay “do your best” dahil binigyan siya ng chance na magbida sa soap at kailangan niyang ipakitang kaya niya.
   
Alam ni Janice na ikukumpara sa kanya si Inah at pati sa amang si John Estrada dahil parehong artista ang parents niya.
   
All the more raw na kailangang galingan ni Inah ang kanyang pag-arte na mapapanood na simula September 19, Monday.
   
As for Inah, nabanggit niya sa presscon ng Oh, My Mama! kahapon na overwhelmed siya dahil bida agad siya sa first show niya sa Kapuso Network.   Sobra ang pasasalamat niya sa mga bossing ng network, kay Direk Neal del Rosario at sa buong team dahil sa warm welcome na ibinigay sa kanya.

* * *

Nakita namin ang BTS sa taping ng Someone to Watch Over Me na may medic sa taping at ang balita, nagkaroon ng konting aksidente si Tom Rodriguez.    Hindi sinabi kung anong aksidente, pero parang naka-expose ang left leg ng aktor. Kalmado naman si Tom, kaya walang dapat ipag-alala si Carla Abellana.