6,327 guests

Bata, nalunod nang tangkaing sagipin ang kaibigan

  • Written by Zaida delos Reyes-Palanca
  • Published in Provincial
  • Read: 214

ISANG 13-anyos na batang lalake ang nasawi nang siya ay malunod nang tangkaing sagipin ang kanyang matalik na kaibigan na tinangay ng malakas na tubig habang lumalangoy sa isang ilog kamakalawa sa Dasmariñas City sa Cavite.

Ang biktima ay nakilalang si Jeyson Incierto Y Estrada, residente ng Blk 32, Lot 18, Bgy. San Isidro Labrador 1, Dasmariñas City.
    
Ayon sa report mula sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-11 a.m. sa Isla Bato Bato River sa Bgy. Salitran IV sa naturang siyudad.
    
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Jerald Arreza, 12; Andrei Glenn Daniel, 11 at Eric  Aligado, 10, ay nagtungo sa naturang ilog para lumangoy.
    
Pero habang lumala­ngoy, ang matalik na kaibigan ng biktima na kinilalang si Andrei Glenn, ay natangay ng malakas na agos ng tubig na naging dahilan para sagipin ng biktima ang kanyang kaibigan pero tumama ang kanyang ulo sa malaking bato na naging dahilan para siya malunod.
    
Kaagad humingi ng saklolo ang mga kabigan ng biktima at ang isang sumaklolo ay nakuhang isagipin ang biktima at isinugod sa pinakamalapit na ospital pero inihayag na ‘dead on arrival’ ng doktor.