4,888 guests

Mahal na kuryente: Lunas

  • Written by Dennis F. Fetalino
  • Published in Opinion
  • Read: 252

Ipinagdiwang ng buong bayan ang buwan ng wika nitong katatapos lang na Agosto. Ito ay bilang pagpupugay na rin sa Ama ng ating wika – Pangulong Manuel L. Quezon na isinilang sa petsang Agosto 19.

Ngunit ang pagtaguyod sa pambansang wika ay dapat walang pinipiling panahon.

Kaya ngayon:  Mabuti naman at nag-iisip pala ng solusyon sa problema ng mahal na kuryente ang mga taong pinagkatiwalaan ni Pangulong Duterte para pamunuan ang sektor ng kuryente.

Ang tinutukoy ng Ped Xing ay ang bagong hirang na Energy Sec. Alfonso Cusi at ang chairman ng Energy Regulatory Commission na si Jose Vicente Salazar.
   
Nadinig namin kamakailan na may mga matitibay na panukalang hakbang na si Cusi para naman maibsan ang paghihirap ng mga ordinaryong mamamayan sa pagbabayad ng mahal na kuryente.
   
Ayon sa mg ulat, balak ni Cusi na maghanap ng makukunan ng malaking pera para pambayad sa higanteng utang ng National Power Corporation. Ang utang na ‘yan ay tinatawag na stranded debt. Ang masaklap ipinapasa ‘yan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng tinatawag na Universal Charges.
   
Ang balak ni Cusi, gamitin ang perang natutulog na mula sa tinatawag na Malampaya funds. Kapag ginamit ang pondong ‘yun, hindi na tayo ang magbabayad ng utang na hindi naman tayo ang may kasalanan. Malaking bagay din ‘yun. Kahit ba sampung piso lang ang mabawas sa singil ng kuryente, pagkain na din ‘yun para sa mga ordinaryong mamamayan.
   
Si Salazar naman ay gustong magkaroon ng kumpetisyon sa pagitan ng mga higanteng korporasyon na nagnenegosyo ng kuryente. Kabilang dito ang mga power generators at ang mga power distributors. Ang sistema kasi, hindi malinaw kung paano binibili ng mga distributors ang kuryenteng ibinibenta nila sa atin.
   
Ang problema pa, karaniwang ang distributor ay pag-aari din ng mga generator. Kumbaga, baka may sabwatan sa presyuhan. Sabi ni Salazar, dapat daw matiyak na ang kuryenteng ibinibenta sa atin na nakuha ng distributor sa pinakamurang halaga sa merkado.
   
Sa ganitong paraan, magiging mas mura din ang pasa sa atin ng kuryente.
   
Para mangyari ito, ipinapatupad ni Salazar ang sistemang Competitive Procurement System na itinakda ng batas. Sa ilalim ng sistemang ito, kailangang magpa-bidding ang distributor. Hindi na basta puwedeng kumuha lang siya ng kuryente sa generator na pag-aari din ng parehong kumpanya.
   
Balik tayo kay Cusi.
   
Ayon sa balita, pinag-aaralan daw ng Department of Energy ang muling pagbuhay sa programa ng bansa para sa nuclear energy.
   
Ayon kay Cusi, kailangang pag-aralan ito dahil mas mura, mas maaasahan at mas malinis daw ang paggawa ng kuryente na gamit ang mga nuclear power plant.
   
Magaganda ang hakbang ni Cusi at Salazar. Siguradong batay ito sa atas ni Presidente Duterte.
   
Pero, gaya ng iba pang magagandang layunin, siguradong meron at merong haharang. Binabatikos na ang layunin ni Cusi na buhayin ang nuclear power program. May nagbabanta na sa kanya na ilegal daw kung gagamitin ang pera ng Malampaya funds para tanggalin ang utang ng Napocor mula sa mga balikat natin.
   
At si Salazar naman, may oposisyon na din daw sa mga layunin niya. May nagpunta na daw sa korte para pahintuin ang mga hakbang ni Salazar para magkaroon ng kumpetisyon sa industriya ng kuryente at pababain ang mahal na presyo nito.
   
Tiwala kami na malalagpasan ng dalawang ito na katulong ni Presidente Duterte ang mga hamon sa magagandang layunin nila.