6,308 guests

Extrajudicial Killings at ang Due Process

  • Written by Atty. Jeremiah Belgica
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 9210

“No person shall be deprived of life, liberty or property without due process of law.” Ito ay ayon sa Section 1, Article 3 ng Philippine Constitution. Ang ibig sabihin nito, walang sino man ang maaaring pagkaitan ng karapatan sa kanyang buhay, kalayaan at ari-arian nang hindi dumadaan sa sapat o angkop na proseso ayon sa batas. Mahalaga ang due process dahil nagsisilbi itong proteksyon ng mga mamamayan mula sa labis na kapangyarihang taglay ng isang pamahalaan. Pero kung susuriin nang mabuti, makikita natin na hindi palaging absolute ang karapatang ito sa life, liberty or property. Ang ipinagbabawal ng batas ay ang ipagkait ang mga karapatang ito nang hindi dumadaan sa due process.

Mahalagang maintindihan natin na tuwing ang isang kalipunan ng mga tao ay nagtataguyod ng isang pamahalaan, sinasabi din ng mga taong ito na nais nila ng kaayusan o order sa kanilang lipunan. Pumapayag silang limitahan, kung hindi man isuko, ang ilan sa kanilang mga pribadong karapatan or private rights kasama na ang life, liberty or property para matamo ang kaayusang inaasam. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagbabayad ng buwis at ang pagsunod sa number coding scheme na layong maibsan ang masikip na traffic sa mga kalsada at sa Building Code na layon namang masiguro ang kaligtasan ng mga nasa paligid ng isang itinatayong gusali. Sa mga halimbawang ito, makikita ang paglilimita ng gobyerno sa kalayaan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga itinakdang batas. Maaari ring maisama rito ang pagkakakulong ng mga nahatulang kriminal kung saan matapos ang masusing paglilitis ng hukuman, ang mga na-convict na guilty ay binabawian ng kalayaan para gawaran ng hustisya ang mga biktima at para na rin siguruhin ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino. Gayunpaman, dapat ginagawa ang paglilimita sa kalayaang ito nang may sapat at angkop na proseso sa batas o due process: “without the Due Process of Law any restriction and limitation on individual rights and freedoms are invalid or at very least premature.”

Sa ngayon, wala na sigurong mas napapanahong sitwasyon upang ma-appreciate natin ang aplikasyon ng konsepto ng due process kundi sa mainit na usapin ng extrajudicial killings (EJKs). May dalawang aspeto sa usapin ng EJKs kung saan dapat mai-apply ang karampatang due process.

Ang una ay sa mga hinuhuling mga drug dependents and pushers. Malinaw sa ating Konstitusyon, sa mga umiiral na batas, at sa rules of court ang mga karapatan ng isang suspek, akusado, at maging ng mga sentensyado. Tama ang sinasabi ng mga human rights advocates na hindi porke’t sila ay nagkasala ay wala na silang karapatan sa batas. Mayroon din dapat tamang proseso na sinusunod sa imbestigasyon ng mga suspek sa isang krimen. Ito ay nilinaw ng Korte Suprema sa desisyon sa kaso ng Morales vs. Enrile. Ilan sa mga karapatan nila ay ang pakitaan ng warrant of arrest at sabihan ng mga alagad ng batas ng kanilang “right to remain silent” at “right to counsel” o karapatan na maipagtanggol ng isang abogado. Ipinagbabawal din ang torture at pagdadala sa secret detention places kapag iniimbestigahan ang isang suspek. Higit sa lahat, ang pagpatay nang walang laban sa isang suspek ay ipinagbabawal at itinuturing na isang malinaw na krimen ng ating batas. Kung hindi susundin ang mga sinabing ito ng Konstitusyon at ng batas sa paghuli, pag-iimbestiga, at paglilitis ng suspek at akusado, ano mang produkto ng gawaing ito ay maaaring ipagpaliban at ideklarang ilegal dahil hindi ito umaayon sa prinsipyo ng due process of law.

Ang ikalawang aspeto ng usapin sa EJKs na dapat lapatan ng due process ay ang gobyerno at ang mga tagapagpatupad ng batas. Sadyang napakabilis ng marami sa ngayon na husgahan ang kapulisan at maging ang pangulo na siya umanong nagpapatupad ng pagpatay laban sa mga walang kalaban-laban. Kadalasan, inaakusahan silang guilty agad sa EJKs. Ito ay sa kabila ng pagsasabi mismo ng pangulo at ng PNP chief na sa kanilang panghuhuli ng mga drug personalities, bawal gumawa ng labag sa batas tulad ng EJKs ang mga pulis. Mahalagang maging patas sa paghusga sa mga pulis at sa gobyerno at hindi magpadalos-dalos lalo pa’t hangad nila ang kabutihan ng bayan. Sa pagsusuri ng mga isyu at usapin sa lipunan, sila man din ay nararapat bigyan ng due process sa isip ng mga mamamayan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364-2090.