5,244 guests

SSPDC, dapat tutukan ni Faeldon

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 357

KAMAKAILAN ay bumuo si Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon ng isang komite para labanan ang smuggling at iba pang iligal na gawain.

Sa isang order, sinabi ni Faeldon na direktang magre-report sa kanya ang Special Studies and Project Development Committee (SSPDC).

Ayon sa customs special order (CSO), ang komite ay pamumunuan ng isang “commander,” a deputy for operations in charge of a “rapid deployment force” at iba pang teams.
   
Inaatasan din ng CSO na makipag-coordinate sa ibang opisina ng gobyerno kung kakailanganin pero may kapangyarihan din ang komite over the “enforcement of other laws.”
   
Inaasahan na malaki ang maitutulong ng SSPDC para masugpo ang mga katiwalian sa aduana.
   
Ang hiling lang ng mga stakeholder, sana daw siguruhin lang na pulos organic at walang bahid ng korapsyon ang mga itatalagang opisyal at miyembro ng nasabing komite.
   
Mainam rin na tutukang maigi ni Faeldon ang trabaho ng grupo para masiguro ang kredibilidad nito. Dapat pati taumbayan ay tumulong sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon.
   
Sa bigat at dami ng ating problema, kinakailangan naman talagang magtulungan. Alisin na natin ang inggitan.

* * *   

Mabuti na lang at ipagpapaliban ang barangay at SK elections. Kahit non-partisan ang dalawang eleksyon na ito ay lantarang nakikialam ang mga lokal na politiko.
   
Ang pinaghahandaan kasi nila ay ang 2019 local at national elections.

Ang dapat gawin ni Pangulong Duterte ay patigilin na ang pamimili ng boto.
   
Kaya maraming magnanakaw sa gobyerno dahil sa vote-buying. Ubusin man natin ang mga pusher at adik, mananatiling maghihirap si Juan dela Cruz dahil sa kagagawan ng mga magnanakaw sa gobyerno.
   
Kung si Pangulong Duterte ang mananawagan ay siguradong matatakot ang mga nagbabalak mamili ng boto. Matatakot ang mga ’yan dahil baka bigla rin silang paglamayan.

* * *   

Marami ang nagsasabi na walang lunas ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila at karatig-pook. Araw-araw ay dumadami ang bilang ng mga sasakyan, pero ’di naman nadadagdagan ang mga kalsada.
   
Lalo pa ngang sumisikip dahil sa mga obstruction na nagkalat sa mga kalye.
   
Kaya kahit bigyan natin ng emergency powers si Duterte ay wala din.
   
Ang kailangan natin ay bawasan ang bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).