27,657 guests

Boy scalawag, nangungotong na!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 186

HINDI ako magtataka kung bakit ganoon na lang ang galit ni Pangulong Rody sa pagdedeklarang all positions vacant sa Presidential appointees niya kasama na ang posibleng remnants o latak pa ng nakaraang administrasyon.

Kung talagang likas ang bangis sa pagiging tiwali, tiyak na hindi mo gugustuhin na ma-appoint ka sa ilalim ng Duterte administration dahil ultimong singko sentimos ay kailangan mong ma-account kung saan nagastos bilang karak­ter ng clean governance.
   
Posible ngang na-culture shock ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan ni Duterte na carry over ng dating administrasyon dahil talagang trabaho lang ang intensiyon ng kanyang mga itinalaga, lalo na ang nasa cabinet secretary level.
   
Sa tingin natin, ang wholesale vacant declaration ni Presidente ay paraan niya na huwag matukoy ang ilan sa mga nabalitaan niyang malikot ang kamay na rekomendado lang sa kanya.
   
Posibleng nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Rody ang mga natatanggap din nating impormasyon na may mga sumusuway sa utos niyang huwag maging korap.
   
Tatlong independent source natin ang nagsasabi na itong si bagong appoint sa posisyon ay masyadong maagang natakawan sa kita.
   
Ang pagkakaalam natin, hindi naman ito lehitimong tao ni Digong kaya hindi tayo magtataka kung iba ang diskarte. Ibig sabihin, hindi niya kilala nang personal si Digong.
   
Ang balita natin, may mga tinotokahan na ang taong ito sa ganito kaaga kaya malaki ang hinala natin na isa ito sa dahilan ng galit ng Pangulo.
   
Nanghihingi na siya ng kotong kahit sa unang 50 days pa lang niya sa posisyon. Inside information ang ating natanggap kaya tiyak na isa na siya sa tinutukoy ni Duterte na hindi marunong mahiya.
   
Baka hindi maderetsa ni Pangulong Digong ang pagsibak sa kanya kaya idinaan siya ngayon sa massive purging sa kanyang bagung-bagong administrasyon.
   
Nakakagulat ang taong ito dahil kilala naman siya na dating maprinsipyo at galit sa mga magnanakaw.
   
Ano kaya ang nangyari, bakit biglang naging sugapa sa kotong?
   
Kung sino man ang taong ito, abangan natin sa susunod na kabanata kung kasama na siya sa wawalisin ni Digong.

* * *
   
Bagama’t immoral at maselang isyu para sa isang kalihim ng Kagawaran ng Katarungan, hindi ko na masyadong tututukan ang love angle na inaakusa kay Senator Leila De Lima.
   
Ang higit na masakit para sa atin ay kung mapatunayang totoo ang alegasyon na ang driver ay palaging nasa Bilibid para kumolekta ng protection money mula sa mga nakapiit na drug lord.
   
Mabigat ito para sa top honcho ng Department of Justice kung totoo dahil alam natin kung gaano kalaki ang problema ng bansa sa illegal drugs.
   
Mas lalalim pa ang eskandalong ito sa mga susunod na araw, lalo na’t binabanggit ng Pangulong Rody ang hawak niyang mga ebidensiya laban kay De Lima.
   
Bantayan natin ang mga maaaksiyong tagpo na magiging daan sa pag­lilinis ng ating bansa.

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..