5,011 guests

Kailangan ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga balikbayan box

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 328

TALAGANG hindi puwedeng magpabaya ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC).

Hindi pa rin kasi nawawala ang mga taong gagawa at gagawa ng kalokohan kahit alam nilang nandyan na ang administrasyon ni Pangulong Rody Duterte.

Tingnan niyo na lang ang tangkang pagpupuslit ng mga baril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
   
Kamakailan ay may mga malalakas na kalibreng baril ang nadiskubre  sa isang balikbayan box.
   
Ang balikbayan box ay galing pa sa Estados Unidos.
   
Ang nakapagtataka ay kung papaanong nakalusot sa Estados Unidos ang nasabing kargamento.
   
Mabuti na lang at laging alerto ang mga taga-BoC na pimumunuan ni Commissioner Nicanor Faeldon.
   
Ang mga armas ay pinadala ng isang Maiko Claridad ng Anaheim, California kay Leo Mendieta ng Bacolod City.
   
Inaresto ng mga operatiba ng CIDG si Mendieta, na ang tunay na pangalan ay Brian Ta-ala, at ang aide niyang si Wilford Palma.
   
Nakita ang nasabing box sa isang warehouse sa NAIA.
   
Sinabi ni Faeldon na mapipilitan ang ahensiya na magpatupad ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga balikbayan box.

Noong isang taon ay binatikos ng publiko si dating BoC chief Bert Lina dahil sa balikbayan box.
   
Ayon kay Lina, nagagamit ang mga balikbayan box sa ismagling. Umani ng katakut-takot na batikos si Lina.
   
Naging batas din ang  Customs Modernization and Tariff Act (CTMA).
   
Sa ilalim ng batas, hindi na papatawan ng buwis ang isang balikbayan box na naglalaman lang ng mga pasalubong na ang halaga ay aabot lang ng P150,000.
   
Sa pagkakatuklas ng mga baril sa isang balikbayan box na galing sa US ay siguradong dadaan na naman sa butas ng karayom ang mga kahalintulad na kargamento.
   
Hindi naman natin masisisi si Faeldon dahil trabaho nila ito. Sila ang sisisihin sakaling may mga lumusot na smuggled goods sa aduana, lalo na kung droga o baril ang laman ng mga kargamentong ito.
   
Tutal nandiyan naman na ang CTMA na nagbibigay ng mga prebilehiyo sa ating mga kababayang OFW at balikbayan, bayaan naman nating gawing ng mga taga-BoC ang kanilang trabaho.

* * *   

Kagaya ng iligal na droga, korapsyon at palakasan sa gobyerno, dapat matigil na rin ang pamimili ng boto tuwing may eleksyon.
   
Hindi mawawala ang katiwalian sa gobyerno dahil may mga lingkod-bayan na hindi karapat-dapat na nasa puwesto.   Marami sa kanila ay namili ng boto kaya nanalo. Hindi tamang iboto ang isang kandidato dahil sa kinang ng kanyang pera.
   
Walang gagawin ’yan kundi magnakaw ng pera ni Juan dela Cruz  kapag siya’y nasa puwesto na.
   
Ito ay para mabawi ang ginamit niya sa pamimili ng boto.
   
Siguradong marami ang matatakot kung mismong si Pangulong Duterte ang magwa-warning sa mga nag-iisip na mamili ng  boto sa Oktubre 31.
   
Sa araw na ito kasi ang barangay at SK elections sa bansa.
   
Marami tayong magagaling na kababayan ang ayaw na sa pulitika dahil wala silang gagastusin sa kampanya.
   
Mga kurakot tuloy ang namamayagpag tuwing may halalan.
   
Malaki ang magagawa ni Pangulong Duterte para matigil ang vote-buying.
   
Isang babala lang niya ay sapat na para matakot ang mga nagbabalak na mamili ng boto.

* * *   

Salamat sa text nina Nick Manayin ng Old Sta. Mesa, Manila; Linda S. Balageo ng Umingan, Pangasinan; Glen Edralin ng Sampaloc, Manila; Malou Santos ng QC  Aileen Samaniego ng Bulacan; Toti Flores ng Mutinlupa; Arnel de  Leon ng San Juan; Daryll Gomez ng Pasig at Chynna A ng Parañaque.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).