6,922 guests

Pusher patay sa RIT gunmen

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 277

PATAY ang isang lalaki na umano’y tulak ng iligal na droga nang barilin ng isa sa dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo habang abala sa pagte-text sa labas ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Dead on arrival sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktimang si Rodolfo dela Cruz Jr., 43, ng 46-A Javier II, Bgy. Baritan, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng hindi natukoy na kalibre ng baril sa ulo at katawan.
    
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na mabilis na nagsitakas sakay ng isang motorsiklo matapos ang insidente.
    
Sa inisyal na imbestigasyon ng Station Investigation Division ng Malabon City police, naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi sa harapan ng bahay ng biktima.
    
Sa ulat ng pulisya, abalang nagte-text ang biktima gamit ang kanyang cellphone sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang mga suspek kung saan ang isa sa kanila ay bumunot ng baril at pinagbabaril si Dela Cruz.
 
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril habang mabilis naman na isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima.
    
Ayon sa pulisya, kilala umanong tulak ng droga sa kanilang lugar ang biktima at sumuko na rin umano ito noong July 6 ngunit matapos nito ay nagpatuloy pa rin sa pagtutulak ng iligal na droga.        Edd Reyes