5,114 guests

Lolo namatay sa ginaw

  • Written by Itchie Cabayan
  • Published in Metro
  • Read: 240

Isang lolong scavenger ang nasawi matapos igupo ng labis na lamig ng panahon dahil sa pag-ulan ang kanyang katawan sa loob ng isang bilyaran sa Tondo, Manila, kamakalawa ng gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakaki-lanlan ng biktima na inilarawang 60-anyos ang edad, may taas na 5’5”, payat, nakasuot ng itim na jacket, maong pants at walang sapin sa paa.
   
Ayon kay SPO3 Milbert Balinggan, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 7:45 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Skyway Billiard Hall sa 574 Padre Rada Street sa Tondo.
   
Nauna rito, dakong alas-7 ng gabi ay malakas ang pag-ulan sa lugar kaya’t pumasok umano sa naturang bilyaran ang matanda upang sumilong at natulog sa isang sementadong upuan, habang nakakumot ng kulay puting tela.
   
Maya-maya ay napansin na lang umano ni Rodrigo Bayate, 51, na naglalaro ng bilyar, na wala nang buhay ang biktima kaya’t ini-report ito sa mga otoridad.
   
Ayon naman kay Arga Clicel, may-ari ng bilyaran, hindi nila kilala ang biktima dahil noon lamang nila ito nakita sa lugar.
   
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa St. Rich Funeral parlor para sa safekeeping.