52,043 guests

2 nagbigti dahil sa karamdaman

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 158

DALAWA katao, kabilang ang isang dalaga, ang naitalang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti dahil sa nararanasan umano nilang karamdaman sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Dakong alas-6:30 ng gabi nang matagpuang nakabigti at wala ng buhay si Alberto Nicolas, 55, ng Block 20, Lot 19, Phase 2, Letre, Bgy. Tonsuya, ng nasabing lungsod.
    
Ayon sa anak ng biktima na si Carina, 26, ng  naturan ding lugar, pagpasok nito sa kanilang bahay ay nakitang nakabigti ang kanyang ama kaya agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
    
Gumamit ang biktima ng nylon cord na itinali nito sa kanyang leeg habang ang kabilang dulo naman ay ipinulupot sa kahoy na biga ng kanilang bahay.
    
Napag-alaman na ang biktima ay matagal na umanong nakararanas ng sakit na asthma at pulmonia at hindi rin ito nagpapadala sa ospital upang malapatan ng lunas.
    
Pagsapit ng alas-7 ng gabi ay natagpuan naman ang katawan ng dalagang si Gemma Torregoza, 49, self-employed, ng 47 Tiangco St., Bgy. Ibaba, na nakabigti sa ikatlong palapag ng bahay nito.
    
Sa salaysay sa mga otoridad ng kapatid ng biktima na si Rolando, 51, pumasok ito sa bahay ni Gemma nang ilang beses na itong sumisigaw at hindi pa rin ito sumasagot.
    
Umakyat sa ikatlong palapag ng bahay si Rolando at natagpuan ang kanyang kapatid na nakabigti sa nylon cord. Sa tulong ng barangay staff ay tinanggal ang katawan ni Gemma at isinugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon (PBM) ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
    
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad,  noong December 16 ng nakalipas na taon ay na-stroke ang biktima at simula noon ay madalas na itong nakikitang malungkot at hindi palakibo na siyang tinitignang motibo sa pagpapakamatay nito.