6,459 guests

Showbiz people na drug users, kinakabahan

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 697

DAHIL sa paglutang ng ilang kilalang personalidad na may kinalaman sa droga, tiyak na mas marami pang showbiz personalities (production people, mga artista, singers at models)  ang inaasahang mapapangalanan o nasa watch list ng mga otoridad.

Lumutang na ang mga pangalan ng singer na si Jay-R Siaboc, ang radio DJ at modelong si Karen Bordador at maging ang nakababatang kapatid ni QC Mayor Herbert Bautista na si Konsehal Hero Bautista na nagpositibo sa ipinagbabawal na droga  sa random test na isinagawa sa mga opisyales ng Quezon City.

Sa pagkakatimbog ng ilang drug pusher and supplier, may mga kilalang personalidad sa showbiz ang kasalukuyang  minamanmanan ng  authorities kapag hindi boluntaryong sumuko ang mga ito.

At dahil na rin sa libu-libong sumuko sa mga otoridad nationwide, dito lamang natin nalaman kung gaano na  katalamak ang droga sa ating bansa na siyang ugat ng maraming krimen at pagkasira ng buhay ng maraming tao.

Nakakaramdam na rin kaya ng takot o kaba ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang maraming personalidad na nagmumula sa showbiz lalupa’t hindi nila alam kung kasama ang kanilang pangalan sa watch list ng mga operatiba?

PRODUCER, PATI TRABAHO NG STAFF, GINAGAWA

MGA bata at mga baguhan ang nasa likod  ng Cineko Productions na siyang producer ng pelikulang “Mang Kepweng Returns” na pinagbibidahan ng Kapamilya TV host-comedian na si Vhong Navarro with Kapuso star Kim Domingo as his leading lady.
   
Dahil lahat sila ay bago sa industriya, gusto ng mga ito na matutunan ang lahat ng aspeto ng production kaya ganoon sila ka-hands on sa pag-aasikaso ng mga kakailanganin sa pagpu-produce ng pelikula at kasama na rito ang pakikipag-negotiate sa mga talent managers.
   
Lahat ng kailangang gawin bilang producer ay ginagawa nila to the point na pati trabaho ng staff ay inaalam din nila.
   
Inaalam na rin nila ang requirements para mapasama sa darating na 2016 Metro Manila Film Festival ang kanilang maiden offering na “Mang Kepweng Returns.” Tiyak naman daw na magi-enjoy ang mga bata at buong pamilya sa pelikulang ito ni Vhong lalupa’t remake ito ng pelikulang ilang beses pinagbidahan ng yumaong komedyanteng si Chiquito.
   
Malaking factor din na ang tumatayong supervising producer ng pelikula ay ang dating producer at talent manager ni Phillip Salvador na si Kuya Ramon Salvador. Siya ang tumatayong mentor ng mga bagitong producer.
   
“They listen and are all driven to learn the business,” pahayag ni Kuya Ramon na matagal ding na-miss ng industriya.

TV5, MAGIGING SPORTS CHANNEL NA LANG?

NAKALULUNGKOT ang nangyayari ngayon sa TV5 dahil isa-isa nang nalalagas sa kanila hindi lamang ang kanilang mga contract stars kundi maging ang kanilang mga empleyado.
   
Napag-alaman namin na wala na rin pala sa TV5 ang presidente nitong si Noel Lorenzana.  Matagal-tagal na ring nagbabakasyon sa Amerika ang head ng News Department na si Luchi Cruz.  Nagsipag-alisan na rin ang ibang executives, newscasters ng Kapatid Network.
   
Sa pagkakaalam namin ay aalis na rin ng TV5 si Ogie Alcasid na napapabalitang babalik sa GMA athough sunud-sunod ang guestings nito sa ilang programa ng ABS-CBN.  Paano na lamang sina Derek Ramsay, Janno Gibbs at ilan pang natitira sa TV5?
   
Dapat siguro bumalik na si Derek sa ABS-CBN at si Ogie at Janno sa dati niyang home studio, ang GMA, that is kung tatanggapin pa sila.
   
Ang iba naman sa kanila ay naghihintay lamang na mag-expire ang kontrata.

Malamang na gawin na lamang sports channel ang TV5.  Anyday soon ay mag-aanounce ang Kapatid Network ng kanilang magiging bagong pinuno o pangulo matapos mawala ang dalawang presidente na sina Atty. Ray Espinosa at Noel Lorenzana, maging ang entertainment content head na si Wilma Galvante.  Hindi rin nag-prosper ang partnership sa pagitan ng TV5 at Viva Entertainment.

IBC13, UP FOR SALE: CHAVIT, INTERESADO

UP for sale ang IBC-13, isa sa mga sequestered TV stations na balak na ng gobyerno na ibenta sa private sector at muling lumulutang ang pangalan ng businessman-politician na si dating  Ilocos Sur governor Chavit Singson.
   
Kung matatandaan pa, lumutang din ang pangalan ni Manong Chavit sa bilihan ng GMA7 matapos hindi matuloy ang negosyanteng si Ramon Ang.
   
May nasagap kaming balita na balak umano ng magkabilang partido (GMA at Chavit) na bumalik sa negotiating table pero hindi pa umano ito sigurado dahil pinag-iisipan umano ni Manong Chavit ang alok IBC-13.
   
“Nothing is definite yet,” diin ni Manong Chavit.
   
Samantala, sinabi ni Manong Chavit na malabo umanong mabuwag ang pagkakaibigan nila ng People’s Champ at senador na ngayong si Manny Pacquiao na nag-umpisa nung nagsisimula pa lamang sa kanyang boxing career ang mister ni Jinkee Pacquiao.
   
Si Manong Chavit ang isa sa mga adviser ni Sen. Manny sa maraming bagay laluna pagdating sa negosyong kanyang papasukin.
   
Parang anak na rin ang turing ni Manong Chavit kay Sen. Manny.
     
Samantala, all systems go na para sa nalalapit na 2016 Miss Universe pageant na dito sa Pilipinas gaganapin sa ikatlong pagkakataon on January 30, 2017 na nakatakdang ganapin sa SM MOA Arena.
   
Hindi kaya nanghihinayang si Gng. Stella Marquez-Araneta ng Bb. Pilipinas Charities na hindi sa Smart Araneta Coliseum gaganapin ang Miss Universe 2016 lalupa’t sa kanila galing ang reigning Miss Universe na si Pia Alonzo Wurtzbach at sila ang may-ari ng local  franchise ng Bb. Pilipinas-Universe kung saan si Maxine Medina ang kinatawan ng bansa sa Miss Universe pageant?