5,044 guests

Pangulong Duterte, simple lang po ang solusyon sa trapik

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 361

Magkaisa para sa bayan

NITONG Biyernes alas-4 ng hapon, nagtaka ako, walang trapik at ang bilis ng daloy ng sasakyan sa biyahe namin, mula Philcoa hanggang UST at sa  pagpunta namin sa UERM Hospital, via Legarda at Magsaysay Boulevard.

Pagkagaling sa UERM, nagtungo kami sa SM Fairview, Quezon City, via San Juan, Philcoa at Commonwealth Avenue.  Ang bilis ng biyahe at walang trapik.

Sabi ng driver ko, “Sir, ang bilis ng biyahe, walang trapik, ba’t kaya?” Naalala ko, August 19 nga pala, Quezon Day at holiday sa Quezon City.

Sinabi ko sa driver, “Ito’ng pruweba na epektibo ang solusyon ko sa trapik sa Metro Manila. Kita mo, ’pag holiday sa isang lungsod sa MM, lumuluwag ang trapik, dahil nababawasan ang mga sasakyan at taong nagbibiyahe sa kalsada. Ito’y patunay na epektibo ang sabi kong ASOS o Additional Sunday Observation Scheme, para lutasin ang malalang problema ng trapik sa MM.”

Maraming beses akong sumulat tungkol sa ASOS, subali’t ’di pinansin ng dilawang administrasyon. Sana’y isipin at ikonsidera ito ni Pangulong Duterte, sapagkat totoong makatutulong ito sa pagpapagaan sa malaking problema natin sa trapik.
   
Narito ang aking kolum tungkol sa ASOS, na mungkahi kong sagot sa matinding trapik sa Kalakhang Maynila.
   
“Para sa akin, simple ang solusyon sa malubhang trapik sa MM. Bakit nagtratrapik? Dahil sa magkakasabay na dami ng mga sasakyan at taong bumabiyahe sa kalsada.
   
Hindi ba’t ’pag Mahal na Araw ay walang trapik? Ang linis ng kalsada at sarap magmaneho. Bakit? Dahil ang mga tao’y walang pasok at nasa probinsya.
   
Hindi ba’t pag linggo’y maluwag ang mga kalsada at walang trapik? Bakit? Sapagkat walang pasok sa gobyerno at pribadong kumpanya at walang pasok sa eskwela at karamihan sa mga mamamayan ay nasa bahay, kasama ang pamilya.         
   
Bilang solusyon sa trapik, iminumungkahi ko ang ASOS o Additional Sunday Observation Scheme.
   
Sa sisteng ito, ang bawat lungsod sa MM ay bigbigyan ng karagdagang “linggo”, dagdag sa regular Sunday, upang ang mga tao’y manatili sa bahay at makabawas sa dami ng mga nagtratrabaho, nagtratransaksyon, nag-aaral  at nagbibiyahe sa MM, mula Lunes hanggang Biyernes.
   
Halimbawa, ang dagdag na linggo sa Manila ay Lunes. Sa sisteng ito, tuwing Lunes, lahat ng nagtratrabaho sa gob­yerno at pribadong sektor at lahat ng mag-aaral, mula kinder hanggang kolehiyo at graduate studies ay walang pasok.
   
Isipin kung ilang mil­yong tao, mga nag-oopisina, trabahador, mag-aaral at mga sasakyan, mula ibang lungsod o probinsya, ang hindi papasok at lalabas ng Manila sa araw na ito? Ang ’di nila pagpasok sa trabaho at eskwela at pag-uwi sa tahana’y malaking tulong sa ikaluluwag ng mga lansangan sa MM.        
   
Martes ang dagdag na linggo sa Quezon City, kung saan milyun-mil­yong tao at estudyante ang ’di magtratrabaho, magtra-transaksyon at papasok sa eskwela.
   
Miyerkules ang dagdag na linggo sa Makati, Pasay, Parañaque at Taguig. Isipin kung sabay-sabay walang pasok sa 4 na lungsod, ilang milyong sasakyan at tao ang mababawas sa mga bumabiyahe sa MM?
   
Huwebes ang dagdag na linggo sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan City at Biyernes ang dagdag na linggo sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas & Valenzuela).  
   
Sa ’di pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at pribadong sector at mil­yun-milyong estudyante sa mga paaralan, aabot isang milyon o higit pa, ang hindi magku-commute o maglalabas ng sasakyan sa mga nasabing araw, kaya’t bababa ang bilang ng mga tao at kotseng pumapasok, umiikot at nagbibiyahe sa MM.
   
Hindi lugi ang gobyerno, private sector at mga mag-aaral sa sistema, dahil ang mawawalang 8 oras sa trabaho at eskwela’y idaragdag sa bawat natitirang 4 na araw o dagdag 2 oras sa trabaho at eskwela  kada araw,  sa 4 na araw sa isang linggo.
   
Ito’y mabuti ’di lang sa gobyerno, pribadong sektor, subalit sa pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan ng dagdag na araw para mag-bond ang mag-asawa at kanilang mga anak, na ikatatatag ng pamilya.
   
Samahan ito ng pagtanggal sa lahat ng obstruction sa kalye, pag­huli sa mga kolorum na sasakyan, phase-out ng mga lumang sasakyan, pagkulong sa mga pasaway na driver at commuter at tiyak na giginhawa ang biyahe sa MM.”
   
Kung mapapairal ang ganitong sistema at mai-adjust ang oras ng trabaho sa gobyerno at pribadong sektor, upang hindi magkasabay-sabay ang kanilang pagpasok at pag-uwi, magsimula man ang malalaking infrastructure projects ng gobyerno sa MM, hindi gaanong mahihirapan ang ating mga kababayan.