5,871 guests

Kris, nagpalit ng manager, tuloy na ang pagbabalik-Kapuso?

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 1178
Kris Aquino Kris Aquino

IT was last month nang mag-circulate ang picture na kasama ng Multi-Media Queen na si Kris Aquino ang big boss ng TAPE, Inc. (producer ng longest-running noontime show na “Eat Bulaga”), APT Entertainment at Triple A Talent Management na si Tony Tuviera.

Marami agad ang nag-speculate na may gagawing proyekto ang dating presidential daughter and sister sa kumpanya ni G. Tuviera. But lately, unti-unti nang nagkakaroon ng linaw ang meeting na ’yon nina Kris at G. Tuviera.

May lumabas na balita na si G. Tuviera na umano ang mamamahala sa career ni Kris at wala na raw ito sa poder nina Deo Endrinal (sa TV and films) at kay Boy Abunda (sa endorsements).

Sina Deo at Boy ay dalawa sa pinaka-close na mga kaibigan ni Kris through the years.

Ayon sa aming nasagap na balita, hindi umano nag-prosper ang pakikipag-usap ni Kris sa ABS-CBN management na may kinalaman sa kanyang bagong kontrata at  pagbabalik sa telebisyon kaya nagdesisyon umano si Kris na makipag-usap kay G. Tuviera. Kaya makakasama niya sa kuwadra sina Marian Rivera (inaaanak sa kasal ni Kris) at ang phenomenal star na si Maine Mendoza.
   
Since wala na sa ere ang daily morning show ni Marian, ang “Yan ang Morning,” hindi kami magtataka kung si Kris na ang bumulaga sa slot na iniwan ng misis ni Dingdong Dantes.
   
Si Kris ay humingi ng ilang buwang pahinga na may kinalaman sa kanyang health at itinaon niya ito sa pagi-expire ng kanyang kontrata sa ABS-CBN. Nagpaalam na rin siya sa kanyang long-running morning show na “Kris TV”.
   
Kung totoo ang nasagap naming balita, wala umanong available time slot sa ngayon ang ABS-CBN for a new morning show for Kris dahil okupado na ito ng “Magandang Buhay” nina Karla Estrada, Jolina Magdangal at Melai Cantiveros na in fairness ay kinagigiliwan ngayon ng mga manonood.  Ito marahil ang nagbunsod kay Kris na humanap ng ibang kakampi sa tulong ni G. Tuviera.
   
Nakita namin si Kris sa opening ng Ka Tunying’s Café (Timog, QC branch) last Monday pero hindi namin ito nakausap para klaruhin ang kumakalat na balita about her alleged transfer sa poder ni G. Tuviera at sa GMA kung saan siya nagsimula ng kanyang TV career more than two decades ago.
   
Sa ngayon ay tahimik muna ang kampo ni Kris at G. Tuviera.  Isa sa mga araw na ito ay magbibigay sigurado ang dalawa ng official statement na may kinalaman sa isyung kumakalat ngayon.
   
Kung totoo ang kumakalat na balita, malamang na balik-Kapuso si Kris.
   
Abangan ang susunod na kabanata!

AGA, MAGPAPAKITA NA MULI SA PUBLIKO

BABALIK na nga sa telebisyon ang alaga ni Manay Ethel Ramos na si Aga Muhlach hindi para gumawa ng isang TV drama series o sitcom kundi bilang isa sa apat na hurado ng bagong sisimulang talent reality show ng ABS-CBN, ang “Pinoy Boy Band Superstar” kung saan din makakasama ni Aga ang Korean pop star na si Sandara Park, Vice Ganda at Yeng Constantino na magsisimula sa susunod na buwan.
   
At first daw ay tila asiwa si Aga na tanggapin ang trabaho pero ang kaibigan niyang si Lea Salonga (na isa sa tatlong coaches ng “The Voice Kids” ) ang nagkumbisi sa mister ni Charlene Gonzales.
   
Matagal-tagal na ring hindi napapanood si Aga sa telebisyon at maging sa pelikula magmula nang ito’y lumipat sa TV5 and eventually nag-expire ang kanyang kontrata sa Kapatid Network.  There was also a time na tumaba nang husto si Aga kaya ayaw niyang magpakita sa publiko.  Ngayong balik na naman sa dati ang katawan ng actor ay wala nang dahilan para hindi siya muling mapanood sa telebisyon at pelikula.
   
Matagal na ring nakabinbin ang pelikulang muling pagsasamahan nila ni Lea Salonga under Star Cinema.

LIFE CHANGING EXPERIENCE FOR ALJUR

AMINADO ang Kapuso actor na si Aljur Abrenica na marami umano siyang natutunan  nang dumating ang ilang matitinding pagsubok sa kanyang karera na may kinalaman sa kanyang naging sigalot with his home studio, GMA.  But everything now is water under the bridge and moving forward ang singer-actor hindi lamang sa kanyang karera kundi maging sa kanyang buhay.
   
“It was a life changing experience na marami rin naman akong natutunan,” paglalahad niya.
   
Magmula nang magkaayos sila ng GMA, naging sunud-sunod din ang kanyang mga proyekto sa kanyang home studio at kasama na rito ang  “Half Sisters,” “Dangwa” at “Once Again” na first team-up nila ni Janine Gutierrez.
   
Dumating pa ang indie movie project na “Ang Hapis at Hinagpis ni Hermano Puli” na hango sa buhay ng 19th century religious leader na si Apolinario de la Cruz na mas kilala bilang si Hermano Puli na tubong Lucban, Quezon.  Ito’y mula sa direksiyon ni Gil Portes at naging closing film sa nagtapos na ika-12th Cinemalaya Film Festival.  Ang nasabing pelikula ay nakatakdang mapanood sa mga sinehan simula sa September 21.
   
Alam ng marami na may matindi ring pinagdaanan ang nasabing pelikula which was originally part ng 2015 Metro Manila Film Festival pero na-pull out ito at the last minute dahil sa kakulangan ng pondo.
   
Kung sinu-sinong producer ang nilapitan para maisakatuparan lamang  ang filming ng “Hermano Puli” movie hanggang sa ito’y saluhin ng T-Rex Entertainment Productions.
   
Naniniwala si Aljur na lahat ng bagay at  mga  pangyayari ay may dahilan kaya ganoon na lamang ang kanilang pasasalamat nang dumating ang T-Rex Entertainment Productions ni Rex Tiri at naisalba ang pagsasapelikula ng isang napakagandang materyal.
   
Samantala, dahil mas focused ngayon si Aljur sa kanyang career, mukhang isinasantabi muna niya ang usaping puso.  He has not been linked to anyone after his much-publicized break-up with Robin Padilla’s daughter Kylie Padilla more than two years ago.