6,262 guests

Panibagong sibakan sa QCPD

  • Written by People's Tonight
  • Published in Metro
  • Read: 458

PATULOY ang ginagawang paglilinis ng Quezon City Police District sa hanay nito makaraang magpatupad na naman ng panibagong sibakan si QCPD acting district director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Kamakailan lamang, 72 na mga tauhan ng QCPD ang inalis ni Eleazar mula sa iba’t ibang  istasyon at unit.
   
Sa kabuuan, aabot na sa 141 ang mga pulis sa QCPD na sinibak sa pwesto. Ang mga inalis na pulis ay sasailalim umano sa imbestigasyon.
   
"In our own sound judgment, we will subject them to investigation and validation to make sure that the ongoing change we effected will be to the maximum, to attain the change expected by all of us, so that the people of Quezon City will feel more secure about their police,” saad ni Eleazar.
   
Dagdag pa ni Eleazar, ito ay bahagi pa rin ng pagtupad sa mandatong iniatang ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na sugpuin ang iligal na droga at walisin sa pwesto ang mga kabaro na kung hindi man sangkot sa ipinagbabawal na gamot ay hindi na epektibo sa pagganap ng tungkulin.
   
Mula sa 72 na mga tauhan na sinibak, 69 dito ay hinihinalang sangkot sa iligal na droga at tatlo ay nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9745 o Anti-Torture Act, theft at arbitrary detention.
   
Ang tatlo mula sa 13  pulis na sinibak mula sa Station 9 ay nahaharap naman sa mga kasong robbery extortion, illegal arrest, arbitrary detention, perjury at planting of evidence. Pansamantalang ibabalik ang 72 sa District Headquarters Support Unit sa Camp Karingal sa Quezon City.
   
Kasabay nito, tiniyak naman ni Eleazar na mabibigyan ng due process ang nasabing mga pulis dahil sila ay haharap naman sa imbestigasyon. “Since due process is mandatory for dismissing these personnel, assigning them to menial tasks within QCPD Headquarters in the meantime, is in line with the mandate of our Chief PNP, and directives from our RD, NCRPO, CSupt. Albayade.”
   
Nuon lamang July 27, 2016, 53 na mga pulis mula sa anti-drug unit ng Station 6, at 35 mula sa District Anti-Drug Unit ang sinibak sa pwesto.
   
Ang 17 mga tauhan mula sa Station 6 na kasama sa mga naunang sinibak, pero lumitaw sa imbestigasyon na walang kinalaman sa iligal na droga at iba pang anomalya ay muling ibinalik sa dating pwesto.
   
Ang dalawang pulis naman na kasama sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa listahan na sina SPO2 Johnny Dela Cruz Mahilum at SPO1 Eric Arguta Lazo na dating nakatalaga sa DAID ay inilipat na sa PNP Personnel Holding and Accounting Office sa Kampo Crame.
   
Tuluy-tuloy naman ang imbestigasyon sa nalalabing 69 na pulis mula sa orihinal na 88 na sinibak nuong Hulyo.
   
Ang mga mapapatunayan umanong guilty ay tuluyan namang aalisin sa serbisyo pagkatapos ng gagawing dismissal proceedings.
   
“Investigation continues on the remaining 69 personnel from the original 88 who were relieved last July, and will be conducted with the same thoroughness on the 72 additional personnel for a total of 141 personnel. We assure the people of QC, as well as our President and PNP Chief, that those found guilty will be dismissed from service. We will file appropriate charges and dismissal proceedings immediately," ang binigyang-diin ni Eleazar.
   
Ang mga mapapatunayan namang may malinis na rekord ay sasailalim sa WE C.A.R.E. program -- Character Assessment Review and Evaluation. “This program is a 3-month retraining and re-orientation including values and moral recovery, to reshape attitudes towards service to the people, and patriotism, and reassigned to other units."
   
Samantala, bilang bahagi pa rin ng pagpapaigting ng kampanya kontra iligal na droga, iniulat ni Eleazar na tapos nang sumailalim ang mga bagong miyembro ng DAID-SOTG sa apat na araw na seminar tungkol sa anti-illegal drugs operations and investigation.
   
Ang mga bagong miyembro ng DAID-SOTG ay binubuo ng limang opisyal at 66 tauhan.