5,440 guests

Kasuhan na ang mga kasama sa ‘narco-list’

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 288

MATAPOS ilabas ang sinasabing “narco-list” ni Pangulong Duterte kung saan maraming pulitiko, huwes at kapulisan ang nasama sa listahan, sa palagay po natin ay oras na para kasuhan sila sa ating mga korte.

Maganda rin na magkaroon ng resulta ang naging paglabas ng nasabing listahan para sabihin ng tao na may patutunguhan ang ating krusada laban sa iligal na droga. Kaya kung malakas na po ang ating ebidensya laban sa mga taong ito, dapat ikasa na natin ang reklamo laban sa kanila sa ating husgado!

* * *   

Dahil sa “narco-list,” pinapaimbestiga na ng Korte Suprema ang mga huwes na sangkot diumano sa iligal na droga. Sa katunayan pa nga, isa sa mga huwes na sangkot sa isyu ay gustong magbitiw sa pwesto pero hindi pinayagan ng Kataas-taasang Hukuman dahil bukod sa nadawit ang kanyang pangalan sa nasabing “narco-list” ay may mga nakaraang reklamo pa sa kanya na dinidinig ngayon ng korte!
   
Dapat ganito din po sa ating mga politiko na “pinalad” na masali ang pangalan sa “narco-list.” Kailangan magkaroon din ng imbestigasyon sa DILG o sa Kongreso ukol sa kanilang pagkakadawit sa iligal na droga at huwag hayaan na magbitiw lang sila sa pwesto. Bagkus, dapat may nakalaang parusang administratibo sa mga napatunayang nagkasala!

* * *   

Ngayong may bagong listahan na naman daw na ilalabas ang ating Pangulo, sigurado marami na naman dyan ang kakabahan at baka kasama na ang kanilang pangalan! Bakit n’yo pa kasi pinasok ang mundo ng iligal na droga?
   
Sino ba naman ang mag-aakala na mismong ang Pangulo ng Pilipinas ang magdadawit sa mga taong ito sa iligal na droga at naka telebisyon pa? Kahit noong nakaraang taon sa nakaraang administrasyon ay hindi natin inaakala na mangyayari ito!
   
Kaya nga may kasabihan, “Strange things conspire when one tries to cheat fate!”

* * *   

Noong tayo po ay naupo dati bilang chairman ng Dangerous Drugs Board, naging masipag tayo sa pagsumite ng ating mga “annual and periodic reports” sa Pangulo at sa Kongreso. Hindi dahil ito ang iminumungkahi ng ating batas kundi gusto natin na alam ng ating mga pinuno ang malaking problema natin sa iligal na droga! Bukod po dyan, isinasalaysay din natin sa ating mga lider ang mga programang ipinapatupad ng iba’t ibang ahensya para harapin itong ating suliranin sa droga.
   
Kaya tayo po ay natutuwa ngayon at mas pinaigting pa ang aksyon ng ating pamahalaan kontra sa iligal na droga. Sana po ay hindi lang “supply reduction programs” o ang pagpapatupad ng batas laban sa mga pusher at miyembro ng sindikato ang bigyang prioridad. Huwag din natin kalimutan ang “demand reduction programs” na naglalayong ilayo ang mga tao sa kapahamakang dala ng droga.
   
Ibig sabihin, bigyan natin ng tamang kaalaman ang mga kababayan natin para sila mismo ay umayaw sa droga kahit ibigay man sa kanila ito ng libre!

* * *   

Nahahati ang sambayanan ngayon sa isyu kung dapat ba talagang ilibing ang dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Makikita natin sa social media ang iba’t ibang opinyon ng ating mga kababayan na minsan naman ay dahil sa tindi ng kanilang damdamin sa isyu ay nakikipagaway na sa ibang tao! Pati nga mga taga-ibang bansa ay nakigulo na rin sa isyu!
   
Kamakailan lang ay may naghain ng petisyon sa Korte Suprema kung saan gustong ipatigil ang planong pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
   
Sa tingin ko po ay pareho namang may basehan ang kuru-kuro ng mga pabor at hindi pabor sa pagpapalibing sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani. Pero ang ating opinyon po ay makakatulong ang ating Korte Suprema para magkaroon ng maayos na pagpapasya para naman matapos na ang bangayan tungkol sa isyu na ito!