5,319 guests

Mabagal!

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 408

Banat ni Vhong sa justice system: Lubak-lubak at pasikut-sikot

Inamin ni Vhong Navarro na pinag-iisipan na rin niyang mag-settle down at pakasalan ang girlfriend na si Tanya Winona Bautista.

“Sumasagi naman talaga sa isipan ko na ’yun,” ani Vhong nang makatsikahan namin sa shooting ng pelikula niyang Mang Kepweng Returns under Cineko Production.

“Siguro bumubuwelo lang ako, kasi may mga kaso pa ako, mayroon pa akong ibang ginagawa. Hindi ko naman sinasabing hindi ’yun ang priority ko, pero sana, eh, matapos lang sana. Kumbaga, makabawas din sa mga gastusin.”
   
Ang tinutukoy ni Vhong na kaso ay ang isinampa niyang charges laban kay Cedrick Lee na hanggang ngayon ay hindi pa tapos.
   
Pero masasabi ba niyang si Tanya na nga talaga?
   
“Oo,” mabilis na sagot ni Vhong. “Ayoko nang maghanap ng iba. Wala na ’kong hahanapin pa sa kanya.”
   
So, tatapusin niya muna ang kaso?
   
“Depende rin kasi, eh. Ang kaso, hindi mo na naman alam kung ilang taon pa ’yun, eh.”
   
Kaya nga nalulungkot nga rin daw siya sa mabagal nating justice system.
   
“’Yun ang nakakalungkot dahil siyempre, ’yung sinasabi nga natin, ’yung justice system natin, parang daan ’yan na maraming lubak. Kaya bumabagal ’yung pupuntahan mo, kasi nga, marami pang dadaanang lubak o pasikut-sikot.”
   
Dahil pareho silang may kaso ni Vina Morales against Cedrick, natanong namin si Vhong kung nagkakausap sila ng aktres.
   
“Ang sinasabi lang (ni Vina), ‘ipagdasal mo ako, friend,’ kasi naging close rin kami ni Vina, eh. So, talagang ngayon, ang inilalaan ko kay Vina, sinasama ko siya sa mga dasal ko talaga.
   
“Kasi iba naman ’yung sa kanila, eh. Personal ’yung kanila. Kumbaga, pagiging ama at ina. Basta kung ano ’yung dasal na... ipagdasal ko raw siya, so, binibigay ko lang ’yung dasal ko sa kanya,” say pa ni Vhong.
   
Samantala, ang Mang Kepweng Returns ay intended for this year’s Metro Manila Film Festival at kung sakali ay magkakalaban na naman sila ni Vice Ganda sa takilya.
   
“Kasi kami ni Vice, parang hindi ko iniisip na laban, eh. Kumbaga, sabi ko na lang, dahil ang Metro Manila Filmfest para sa mga bata, pasayahin na lang natin ang mga manonood, mga bata, para sa kanila naman ang Pasko.
   
“Kung ano na lang ang pwede mong ibigay nang maganda para sa project o sa pelikula, pagagandahin na lang namin.
   
“Kasi, kami ni Vice, nu’ng time na sinasabing magkalaban kami, nagtutulungan pa kami sa pagpu-promote ng pelikula sa It’s Showtime. Kumbaga, suportahan talaga, eh,” he said.

* * *

“Cute” kung ilarawan ni Loisa Andalio ang friendship at loveteam niya with Yves Flores sa Be My Lady.
   
Paanong cute?
   
“Parang ano, malapit kami sa isa’t isa, kaya naming mag-open, kaya naming magbigay ng advice, kaya naming magtulungan,” say ni Yves.
   
Sabi naman ni Loisa, “Saka maaasahan talaga si Yves sa mga bagay-bagay.”
   
Sa sinabing ito ni Loisa ay nag-follow-up agad ng tanong si Yves.
   
“Talaga? Paano?” tanong ng young actor sa ka-loveteam.
   
Sagot naman ni Loisa, “Kapag may problema ako, nasasabi ko rin kay Yves at nahe-help niya ako sa problem, sa mga very light din na problem.”
   
Pagkatapos ay tinanong ni Loisa si Yves ng, “Ikaw, ano ang masasabi mo?”
   
Sagot naman ni Yves, “Si Loisa kasi makulit, eh, saka madali siyang pakisahaman. Parang nag-i-enjoy ako ’pag kasama ko siya. Dahil bata pa siya, parang ang kulit niya. Seventeen siya, 20 ako.
   
“Pero ’yung trips niya kasi, tulad ng mga Star City, may rides pa, eh. ’Yung sa akin, iba na, eh. Parang ‘grabe, Loise, tapos na ako riyan, hindi ko na age ’yan,’ nagkukontrahan kami.”
   
Six months na ang loveteam nila sa Be My Lady at naging close na raw talaga sila to the point na lumalabas-labas na sila with some friends.  Nagtatawagan din daw sila kapag walang taping. Madalas din daw silang kumain together.
   
So, may posibilidad din ba na magkaroon sila ng relasyon at maging team real din tulad ng mga kasama nila sa Be My Lady na sina Daniel Matsunaga and Erich Gonzalez?
   
“Hindi pa namin masabi, eh. Malalaman pa natin ’yun after Be My Lady. Kasi ngayon, magka-work kami, eh. Kung magle-level-up man, siguro, hindi ngayon. Kasi masyado pong mabilis. Six months pa lang kaming magkasama. Parang kinikilala pa namin ang isa’t isa. Hindi naman ganu’n kabilis,” sabi ni Yves.