4,982 guests

Pati rehab center ay may shabu tiangge!

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 275

HINDI lang pala sa Bilibid nagkakaroon ng shabu tiangge! “Nakiuso” din pala itong Bagong Buhay Rehabilitation Center at Cebu Provincial Rehabilitation Center sa Cebu City kung saan sinalakay ng mga tauhan ng PDEA, PNP at “jail guards” ang shabu tiangge sa mga nasabing kulungan!

Matapos ang isinagawang raid ay nasamsam ang humigit-kumulang 4.5 milyong piso at mga shabu na nasa sari-saring “plastic sachets” na umabot sa 88 gramo!
   
Paano naman kaya sa ibang kulungan? Ganito din ba ang nangyayari at may kanya-kanya silang drug den o shabu tiangge? Imbes na magbago na ang mga nakakulong at pagdusahan nila ang kanilang nagawang kasalanan ay sobrang ikinatuwa pa nila ang kanilang kapalaran dahil may shabu naman pala sa loob ng piitan!
   
Dapat aksyunan agad ito ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology baka kasi ganito na ang kalakaran sa lahat ng kulungan sa ating bansa!

* * *
   
Matapos simulan sa mga barangay ay dadalhin din ng ating pamahalaan ang krusada kontra iligal na droga sa mga high-end na nightclub at bar!
   
Itinuturing na “open secret” naman po sa lahat na nagkakaroon ng bentahan at paggamit ng iligal na droga sa mga ganitong pasyalan. Ang sinasabing “drug of choice” sa mga ganitong night club at bar ay ang “ecstasy!” Maliban d’yan, mayroon din ibang mga tinatawag na “designer drugs” na kung anu-anong droga at kemikal ang hinahalo para maging “high” ang mga gagamit nito!
   
Dapat makiisa ang mga may-ari ng mga bar na ito para hindi maturingang drug den ang mga pinapatakbo nilang negosyo. Baka makasuhan pa kayo ng mga otoridad at tuluyang malugi pa kayo!

* * *
   
Magbibigay raw ng isang bilyong pisong donasyon ang San Miguel Corporation sa pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga treatment and rehabilitation centers! Malaking bagay po ito sa ating kampanya kontra iligal na droga, lalung-lalo na ngayon kung saan maraming indibidwal ang kusang sumusuko sa mga otoridad.
   
Sa ngayon po ay may pitong rehiyon pa tayo na wala o kasalukuyang ginagawa pa ang kanilang mga regional treatment and rehabilitation center.
   
Isang suhestiyon lang din po, baka maaaring gamitin ang bahagi ng na­sabing pondo para mapabuti ang community-based rehabilitation ng mga sumukong indibidwal?
   
Karamihan naman po sa mga sumukong kababayan natin ay hindi kailangang manatili sa loob ng mga rehab center sa loob ng anim hanggang labindalawang buwan. Pwede na po sa kanila ang “outpatient services” kaya nagagampanan pa nila ang kanilang mga trabaho o responsibilidad sa komunidad, basta sila po ay nagre-report sa mga rehab center ng mga ilang araw sa loob ng isang buwan. Kailangan pa rin mawala ang droga sa kanilang sistema para mas maayos ang kanilang pagtrabaho at tuluyan silang umasenso!

Ang mahalaga para sa kanila ay mayroong mga “support group” sa komunidad na maaari nilang lapitan at tumulong sa kanila habang sila ay nagpapa-rehab. Kaya kaila­ngan din ng pondo para sa pagsasanay ng mga tao na magsasagawa ng community-based rehabilitation.

* * *
   
Isang matinding kal­baryo ang naranasan ng ating mga motorista at mga commuter nang bumuhos ang “southwest monsoon” o habagat nitong nakaraang linggo! Marami po sa ating mga kababayan sa Metro Manila ang inabot ng katakut-takot na trapik sa mga lansangan dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan!
   
May mga nakausap nga po tayo na umabot ng walong oras ang kanilang byahe mula Alabang hanggang Quezon City at nakauwi na ng alas-kwatro ng umaga! Mayroon namang mga nagreklamo na wala silang masakyan kaya naglakad na lang ng halos tatlong oras para makauwi sa kani-kanilang tahanan!
   
Dapat talakayan din sa panukalang “emergency powers” para sa pagsasaayos ng malubhang trapik ang mga pamamaraan kung paano matugunan ang mga suliraning pang-trapiko tuwing may bagyo o malakas na ulan. Siguro kailangang linisin din ang ating mga estero at iba pang daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabaha. ’Yung mga matitigas ang ulo na todo ang pagtapon ng mga basura kahit saan na siyang nagiging sanhi ng pagbaha ay dapat maparusahan nang ma­tindi para magsiayos sila!