6,314 guests

Walang laban ang ating mga magsasaka

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 360

Tingnan natin

ISANG civil society group  ang nananawagan sa gobyerno na lalo pa nitong  paigtingin ang kampanya laban sa ismagling.

Sa katunayan, bumabalangkas ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ng mga reporma para labanan ang ismagling.

Sinabi pa ni UFCC President Rodolfo Javellana na “the classification of agricultural smuggling as economic sabotage was an important victory for the Filipino people.”

Tama si Javellana dahil pahirap sa mga magsasaka ang patuloy na ismagling ng mga agriculture product.

Walang kalaban-laban ang ating mga magsasaka.

Dahil walang binabayarang buwis, siyempre mas mababa ang presyo ng mga imported agricultural product.
   
Ang resulta? Nilalangaw sa merkado ang ani ng mga magsasaka natin.
   
Isa pa, mas malalaki at magaganda ang mga puslit na sibuyas, bawang at iba pang produkto.
   
Sa ibang bansa kasi ay  malaki ang naitutulong ng gobyerno nila sa mga magsasaka.
   
Suportado  ng kanilang gobyerno ang mga magsasaka.
   
Sa Pilipinas, limitado ang tulong ng gobyerno sa mga magsasaka dahil sa kakulangan ng pera.
   
Ang masakit, marami pang lugar sa bansa ang walang irrigation system.
   
Isa pa, may mga bayan na may mga irrigation canal nga pero wala namang dumadaloy na tubig na lalong nagpapagalit sa mga magsasaka.
   
Kawawa ang mga magsasaka. Kakaunti na nga ang ani, nandiyan pa ang mga puslit na produkto.
   
Kaya nga gusto rin ng UFCC na gawin ding economic sabotage ang  large-scale ismagling ng ibang produkto.
   
Isama na sa agriculture products ang manufactured goods, construction materials at fuel.
   
Naniniwala tayo na kagaya ng mga iligal na droga, unti-unti ring mareresolba ang problema ng ismagling sa bansa.
   
Ang kailangan lang ay magtulungan ang gobyerno at taumbayan.
   
Kung hindi tutulong ang publiko, mahihirapang magtagumpay ang mga programa ng gobyerno.
   
Alam ’yan ng ating mga lingkod-bayan.

* * *
   
Habang hinahabol ng mga pulis ang mga sangkot sa iligal na droga, kailangang kayod-kalabaw din ang iba pang opisina ng gobyerno, lalo na ang mga ahensiyang ang mandato ay wakasan ang kahirapan, kawalan ng trabaho, pagbabaha, pagsisikip ng trapiko, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakulangan ng pabahay at illegal recruitment.
   
Hindi puwedeng pinapanood na lang natin ang pagsuko, pagpatay at pag-aresto sa mga sangkot sa iligal na droga.
   
Walang mangyayari sa atin kahit na maubos pa natin ang mga drug lord at pusher kung wala namang makain ang taumbayan dahil sa kahirapan.
   
Sa totoo lang, lumubha ang problema sa droga dahil sa matinding kahirapan.
   
May mga ulat  nga na nagsasabing may mga napipilitang gumamit ng droga para hindi sila makaramdam ng gutom.

Ang iba naman ay lumalaklak ng droga para may lakas ng loob magnakaw.
   
Napipilitang magnakaw para lang may maipakain sa mga nagugutom na mahal sa buhay.
   
Kaya nga may mga nagsasabi na kasalanan din ng gobyerno ang paglala ng problema.
   
Hindi daw nagampanan ng gobyerno ang responsibilidad nitong bigyan ng sapat na trabaho ang mga mamamayan.

* * *
   
Dalwampu’t apat na araw na lang ay simula na naman ang tinatawag na apat na “ber” months.

Sa mga revenue-generating agencies, kagaya ng BoC at BIR, isa lang ang ibig sabihin nito.
   
Kailangang mag-overtime para malampasan o maabot man lang ang kanilang collection target.
   
Hindi puwede ang pa-easy-easy ang trabaho. Baka hindi lang sermon ang aabutin ninyo pagkatapos ng December 31.

Malas niyo na lang kung malipat kayo sa kangkungan kapag hindi niyo naabot ang assigned tax take ninyo.
   
Pero mas mabuti na ’yan kesa matanggal kayo sa serbisyo.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).