6,395 guests

Supt. Ali Duterte, pasok sa pamunuan ng NPD

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 607

On the beat

KUNG ikalawa lamang ang Northern Police District (NPD), kasunod ng Manila Police District (MPD), sa may pinakamaraming insidente ng napapaslang na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga, hindi malayong sa susunod na mga araw ay manguna na ang NPD sa kampan­ya laban sa iligal na droga.
    
Ito ay dahil sa pagpasok ng isang Duterte bilang bagong pinuno ng District Special Operations Unit (DSOU) na isang unit ng kapulisan sa NPD na ang operasyon ay sumasakop sa apat na lungsod sa northern area ng Metro Manila.
    
Itinalaga kasi ni NPD District Director Senior Supt. Roberto Fajardo si Supt. Ali Jose Duterte na isa sa matikas na opisyal na bitbit ng NPD Director, kapalit ni Supt. Edgar Cariaso na itinalaga naman bilang hepe ng District Anti-Illegal Drugs (DAID).
    
Bagama’t hindi pa natin nakakadaupang-palad si Supt. Duterte na ayon sa ilang pulis ay kaanak ng Pangulong Rodrigo Duterte, isinalarawan naman ni SSupt. Fajardo kung paano magtrabaho ang naturang opisyal at iniakma ang kanyang kakayahan para pamunuan ang DSOU na isa sa mga tanggapan ng NPD na may malawak ang kapangyarihan. Sakop kasi ng operasyon ng naturang tanggapan ang buong CAMANAVA area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela).
    
Hindi naman maikakaila na lumaki nang husto ang problema sa iligal na droga sa area ng CAMANAVA dahil na rin sa pagkunsinti ng ilang tiwaling barangay officials at kapabayaan na rin ng kapulisan. Hindi ito maitatanggi ng mga kasalukuyan at nakaraang opisyal ng lokal na pamahalaan ng CAMANAVA dahil napapakinabangan nila ang mga barangay official lalo na sa panahon ng halalan.
    
Lalo namang hindi ito maitatanggi ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng kapulisan dahil ilang mga pulis na rin naman ang nabuko na ginagawa lang nilang gatasan ang mga nahuhuli nilang mga sangkot sa iligal na droga.
    
Pero sa pagpasok ng administrasyong Duterte, naiba na ang takbo ng pangyayari, hindi na makaporma ang mga protector ng iligal na droga lalo na ang mga guma­gamit at nagbebenta nito. Sabi nga ng marami, may “balls” ang Pangulo ng bansa ngayon kaya’t hindi malayong ganito rin si Supt. Duterte ng DSOU.

ERAP, HINDI DAPAT SISIHIN
    
Hindi dapat sisihin ng mga sidewalk vendor si Manila Mayor Erap Estrada sa ginagawa ngayong paglillinis sa mga pangunahing lansangan sa lungsod na naging permanente ng puwesto ng mga manininda.
    
Kung may dapat sisihin, walang iba kundi mismong ang mga sidewalk vendor na inabuso nang husto ang kaluwagang ipinagkaloob sa kanila ng alkalde. Binigyang luwag kasi ni Mayor Erap ang mga vendor na gamitin ang bahagi ng bangketa at lansangan para makapaghanap-­buhay sila nang maayos at umunlad ang kanilang pamumuhay.
    
Ang kaso, inabuso ito ng mga vendor at lumagpas sa itinakdang lugar hanggang halos buong lansangan ay kanila nang sakupin. Sa tuwing itataboy ng mga pulis ang vendors, babalik at babalik silang muli pagtalikod ng mga pulis.
    
Natatandaan ko pa ang sinabi ng namayapang dating Senator Robert Z. Barbers noong isa pa siyang opisyal ng Manila police na kapag ibinigay mo raw ang kamay mo sa isang sidewalk vendor, pati braso mo ay kanilang sasagpangin.

ELA NILAGDAAN NA
    
Nilagdaan na nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Clint Nicholas Geronimo, kasama ang mga konsehal ang kanilang pangakong suportahan ang Navotas Executive Legislative Agenda (ELA) at Capa­city Development Agenda (CAPDEV) para sa taong 2016 hanggang 2019.
    
Nakapaloob sa ELA ang mga pangunahing proyekto at programa na ibinatay sa mga isyung makakaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan ng lungsod habang nakapaloob naman sa CAPDEV ang mga plano at programang makapagpapabuti sa kapasidad at pagganap ng lokal na pamahalaan para sa matagumpay na implementasyon ng ELA.
    
Patunay lang ito ng masigasig na paglilingkod ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa mga Navoteño, mula alkalde hanggang sa mga konsehal.
    
Pero hindi lang pala sa puspusang pagtatrabaho nakatuon ang pansin ng alkalde dahil kamakailan lang ay pinangunahan niya at kapatid na si Rep. Toby Tiangco ang maramihang pagpapakasal sa mga nagsasama bilang mag-asawa na hindi naikasal.
    
Mahigit 30 pares ang nakinabang sa Kasalang Bayan na itinaguyod ng magkapatid na Tiangco kung saan karamihan ay nagkaroon na ng mga anak nang hindi man lamang naikakasal dahil sa kakulangan ng salapi.

* * *

Sa mga puna, reaksiyon at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.