7,126 guests

Balasahin ang Senate PRIB

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 368

DISMAYADO ang ilang beteranong mediamen na nagkukober sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ang dahilan, late masyado ang ipinalabas na ‘advisory’ ng Public Relations Information Bureau (PRIB)  patungkol sa ‘orientation’ ng mga baguhang senador kahapon ng umaga.

Pati tayo ay late rin nakatanggap ng advisory. Alas-9:30 ng umaga ang ‘briefing,’ pero nakatanggap tayo ng email eksakto alas-9:14 ng umaga. Ibig sabihin, 16 na minuto na lang bago pa sila naglabas ng abiso.

Kung hindi ba naman sandamakmak na kumag ang mga namamahala ng PRIB, mano bang noong Sabado o Linggo pa ay naglabas na sila ng advisory.
    
Eh di sana, nakagawa pa kami ng ‘calendar story’ nitong weekend para kahapon.
    
Dati nang irritable ang karamihan sa Senate media sa PRIB. Hindi na ko lalayo pa ng reklamo. Halos araw-araw ay kalbaryo ang inaabot naming mga mamamahayag dahil sa palpak na ‘internet service.’
    
Buti na lang iyong ibang mamamahayag ay may kanya-kanyang ‘hotspot’ o ‘broadband,’ pero pa’no pa kaya iyong wala?
    
Ang nakakainis, wala kahit sinumang taga-PRIB ang nangangamusta man lang sa kalagayan ng mediamen kahit isang beses isang linggo.
    
Tapos kapag may importanteng okasyon o event ay makikipag-unahan pa sila sa Senate media.
    
Ilang beses na ba tayong nag-blind item tungkol sa pagpapabalot ng pagkain ng ilang PRIB officials?
    
Pati nga alak tine-take home pa ng taga-PRIB.
    
Kulang na lang, pati ice o yelo ay ipabalot ng patay-gutom nilang opisyal.
    
Nang dumalaw sa Senado si Miss Universe Pia Wurtzbach noong Enero, dismayado rin ang karamihan sa mga babaing Senate media. Kasi, nu’ng ‘turn’ na ng mga reporter para sa ‘picture taking,’ biglang sumingit ang mga taga-PRIB, samantalang malinaw na ang tinatawag ay Senate media at hindi PRIB!
    
Kamakailan ay dismayado rin ang Senate media sa bagong patakaran ng PRIB tungkol sa pagkuha ng kopya ng SALN (Statement of Assets and Liabilities and Networth) ng mga senador.
    
Kung dati kasi ay madaling makakuha ang sinumang media ng SALN ng mga senador, ngayo’y kailangan pang humingi ng permit sa Office of Secretary ng Senado at pati na rin sa PRIB. Ang matindi pa, may bayad pa ngayon na P250 para sa xerox.
    
Bago sana dumating ngayong Sabado o June 30, tiyak na bago na rin ang Senate President.
    
Kung sinuman kina Senators Koko Pimentel at Alan Peter Cayetano ang maging SP ay dapat nitong balasahin ang mga namamahala sa PRIB.
    
Kung gusto talaga nina Pimentel at Cayetano na maging productive sila ngayong 17th Congress, dapat ay palitan ang mga nasa PRIB para gumanda naman ang relasyon ng mga ito sa mga mamamahayag sa Senado.
 
Tama po ba ako, Senate Majority Leader Tito Sotto?

* * *   

Napag-usapan na rin lang natin ang Senado.
    
Alam n’yo ba na isang Senate official ang may sexual harassment ngayon?
    
Binastos daw kasi nito ang isang magandang Senate employee at inaya pang mag-motel.
    
Kapag hindi ito agapan ng mga senador para kastiguhin ang manyakol na opisyal,  tiyak na makakaladkad nang husto sa kahihiyan ang buong institusyon.
 
Kung ako kina Senators Koko, Alan at Sotto, papayuhan kong mag-leave muna ang opisyal na nasasangkot para na rin hindi pa nito magamit ang impluwensiya sa isinampang kaso laban sa kanya.
   
Siguro naman importante pa rin sa ating mga senador ang prinsipyo ng delicadeza!