8,733 guests

P2.6-T 2015 nat’l budget, paniguro para talunin si VP Binay

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 1231

SINABI ni Senadora Miriam Defensor-Santiago na ang proposed P2,606 Trillion national budget para sa 2015 ay maituturing na budget ng kasalukuyang administrasyon para sa 2016 presidential elections.
   
Aniya, ang nasabing budget ay dinisenyo upang bigyan ng mas malaking pera ang mga kaalyado ng Pangulo at mga departamento ng gobyerno na ang paggawa ng mga proyekto sa 2015 ay may malaking impluwensya sa magiging resulta ng eleksyon sa 2016.
   
Ayon kay  Sen. Santiago, nilapitan siya ng mga propesor sa Pamantasan ng Pilipinas at sinabihan na, kaugnay ng pagsulong ng 2015 national budget, ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ay pinag-sumite ng listahan ng mga proyekto na nais nilang isagawa sa kanilang distrito.
   
Ang pagbigay ng listahan nito, upang mapondohan sa national budget, ay tinawag ni Santiago na “pork barrelism”, sapagka’t ito’y  katulad ng Priority Development Assistance Fund, na sinabi ng Korte Suprema na labag sa ating Konstitusyon.
   
Matatandaan na ang ilegal na paggastos ng PDAF ay dahilan sa pagkakakulong nina Senator Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa salang plunder at dahilan  upang makasuhan ng malversation ang maraming congressman kaugnay ng ilegal na paggastos nito.        
   
Bagama’t ang salitang PDAF ay tinanggal ng mga senador at congressman sa 2015 national budget, nanatili ito sa pamamagitan ng pagsumite ng mga congressman ng kani-kanilang project sa distrito, na ang halaga ay isinama  sa 2015 national budget.
   
Sa madaling salita, tuloy ang ligaya o kurakot ng mga magnanakaw na kongressman, sa simpleng dahilan na, masasabi nila sa kanilang mga piling kontratista na pasukan ang ganitong proyekto sa kanilang distrito, sapagkat ito ang iminungkahi nila sa budget deliberations at siguradong may pondo at simpre sigurado rin ang 20% hanggang 50% komisyon nila sa proyektong ito.
   
Kung ang mga congressman ay binigyan ng pagkakataong magsumite ng mga pili nilang proyekto, ’di lalo na ang mga senador, na mag-uutos lang sa mga departamento ng gobyerno na pondohan ang kanilang mga sinabing proyekto.          
   
Dahil sa nabanggit, madaling inaprubahan ng Mababang Kapulungan at Senado ang budget sa 2015.  

* * *

Ang matindi ayon kay Senadora Miriam ay ang paggamit ng 2015 national budget para tulungan ang matunog na kandidato ng administrasyon sa 2016 Presidential elections, si DILG Secretary Mar Roxas.
   
Sinabi niya na ang DILG sa ilalim ni Roxas ay may budget na P104.5 bilyon, na ang malaking bahagi ay  inilaan sa mga proyekto na walang kinalaman sa mandato ng DILG, gaya ng patubig o pagbibigay ng tubig, sa lahat ng bayan sa buong Pilipinas, na sa ilalim ng ating batas ay dapat ipinatutupad ng National Irrigation Administration (“NIA”), subali’t sa ilalim ng 2015 budget ay ibinigay ang pagsasagawa nito kay Sec. Roxas.
   
Ang kawalan o kakulangan ng tubig sa maraming bayan sa buong bansa ay malaking problema ng ating mga mamamayan. Kung ang isang bayan ay mabibigyan ng tubig  at ipangangalandakan ng administrasyon na ito’y proyekto ni Secretary Roxas, para sa kanila, kakalimutan ba nila si Sec. Roxas sa 2016? 
   
Sa ginawa ng administrasyon na 2015 national budget, hindi maipagkakaila na ito’y idinisenyo para paboran ang kanilang manok na si Roxas.
   
Bakit ganito na lang ang pagsusumikap ng administrasyon, sa pangunguna ni Senate President Frank Drilon at DBM Secretary Butch  Abad na tulungan si Roxas? Sapagkat kahit anong gawin ng kanilang kandidato ay hindi ito umuungos sa mga survey ng mga presidentiable. Kung hindi man ito kulelat ay pangalawa sa kulelat.   
   
At bakit takot na takot sina Drilon, Abad at kanilang mga kasabwat na hindi nila kakampi ang manalo sa 2016? Sapagkat, kung oposisyon ang susunod na Pangulo, mauungkat ang mga kurapsyong kanilang pinag-gagawa sa ilalim ng kanilang pamumuno, gaya ng kanilang pamimigay ng bilyun-bilyong piso upang tanggalin sa pwesto si dating Chief Justice, Renato Corona. 
   
Matatandaan na batay sa record ng Commission on Audit (COA), na kinumpirma  mismo ni Abad, si Drilon ay tumanggap ng P300 milyon at ang ibang senador na sumunod sa utos ng Malacañang na tanggalin si CJ Corona, ay tumanggap ng hindi bababa sa P200 milyon bawat isa at lahat naman ng mga kongresista ay binigyan ng DBM ng tig-P10 milyon hanggang P15 milyon upang sibakin ang Punong Mahistrado.
   
Napakadaling patunayan ang bribery na ginawa nina P-Noy, Drilon at Abad at kanilang mga kasabwat, kaya’t ika nga, “they will move heaven and earth”, huwag lang manalo ang oposisyon candidate na si Jejomar Binay.

* * *

Maiba po tayo, may nag-email sa inyong lingkod at inireklamo ang mga talamak na pasugalan sa Batangas, na pag-aari ’di umano ng isang nagngangalang Tessie Rosales at nag-o-operate sa bayan ng Laurel, Ibaan, Rosario at Batangas City. Ang mga ilegal na sugal ay gaya ng color games, beto-beto at drop ball, na kinalolokohan ng mga kabataan at ama ng tahanan rito.
   
Matagal na raw ang mga pasugalang ito at inireklamo na sa mga kapulisan sa lalawigan at mga nabanggit na bayan, subalit patuloy ang pamamayagpag sa dahilang patong ang lahat ng ating mga alagad ng batas rito.
   
Para sa ating mga kabataan, paki sugpo po ito, mahal naming Gobernadora Vilma Santos.
   
ATTY. JAY C. DE CASTRO
   
Founder, Magkaisa Para sa Bayan, Inc. (MPB)
   
Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
   
Website: magkaisaparasabayan.com
   
Facebook: fb.com/magkaisaparasabayan
   
Contact No.: 0915-7799-777

* * *

Please visit our website magkaisaparasabayan.com and like our Facebook page Magkaisa Para sa Bayan, Inc. and ask your family and friends to do the same.

Leave a comment

Make sure you enter all the required information, indicated by an asterisk (*). HTML code is not allowed.