6,770 guests

Hindi alagad ng batas, kundi alagad ni Satanas

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 216

AYON sa pinakahuling ulat sa imbestigasyon ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick-joo, sa loob mismo Camp Crame, Quezon City, ang headquarters ng PNP, ang pangyayari ay hindi kaso ng kidnapping, subalit ng murder. 

Ang kaso ni Jee ay unang napaulat na Kidnapping with Murder, dahil siya ay dinukot sa kanilang bahay sa Angeles City ng mga opisyal ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) at nagbayad ng P5M ransom ang kanyang asawa para siya palayain.
   
Ayon sa salaysay ng mga testigo, ang mga dumukot at pumatay kay Jee ay pinamunuan ni SPO3 Ricky Sta. Isabel ng PNP-AIDG.
   
Matapos kunin sa kanilang bahay, isinakay si Jee sa kanyang Ford Explorer, dinala sa Camp Crame, iginapos ng packaging tape, nilagyan ng plastic sa ulo at sinakal hanggang mamatay.
   
Matapos patayin, dinala ng mga pulis ang bangkay ni Jee sa isang punerarya sa Caloocan City para i-cremate. Subalit dahil walang pang-cremate ang punerarya rito, dinala nila ang bangkay sa La Loma, Quezon City, kung saan sa halagang P30,000 at golf set na ninakaw sa Koreano, ay sinunog ang bangkay ni Jee at ang kanyang abo’y i-plinas sa inidoro.
   
Ang pagdukot, pagpatay at pag-cremate kay Jee ay ginawa sa isang araw lamang.
   
Matapos patayin ay humingi ng P5M ransom ang grupo nina Sta. Isabel sa asawa ni Jee.
   
Itinanggi ni Sta. Isabel ang paratang sa kanya at sinabing ang opisyal niya na si Superintendent Rafael Dumlao III, hepe ng PNP-AIDG ang dumukot at pumatay sa Koreano.
   
Itinanggi rin ni Dumlao ang bintang at sinabing mga opisyal ng NBI ang nagpadukot at nagpapatay kay Jee.
   
Aniya, may matataas na opisyal ng NBI ang kakuntsaba ng mga tiwaling opisyal ng PNP sa pagpatay ng mga Koreano na kalaban di-umano ng Korean Mafia.
   
Sa madaling salita ang nagpapatay kay Jee ay ang Korean Mafia sa direktang tulong at partisipasyon ng mga opisyal ng NBI at PNP.
   
Nang lumabas ang anggulong ito, sinabi ni Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na paiimbestigahan niya ang Korean Mafia at ang maraming kaso ng mga Koreanong nawala na lamang at hindi nakita ang mga bangkay o ano mang pagkakakilanlan sa kanila.
   
Ito raw ang dahilan kung bakit ang bangkay ni Jee ay crenimate at ang kanyang abo ay iplinas sa inidoro, para hindi makita at walang ebidensya ang pagpatay sa kanya.
   
Kapani-paniwala ang anggulong ito. Kaya agad pinatay, crenimate at plinas sa inidoro si Jee ay upang walang ebidensya at hindi na siya makita.
   
Dito ay malinaw na ang kontrata ng mga NBI at pulis sa Korean Mafia ay ang dukutin, patayin at walain ang bangkay ni Jee at ito ay kanilang natupad. Milyun-milyon raw ang bayad sa ganitong krimen.
   
Ang masama, nakuha na nga ng mga diyablo ang bayad sa kanila, pinagka-kwartahan pa ng mga pusakal ang pagpatay kay Jee.
   
Pinatubos nila si Jee sa asawa, kahit ang bangkay nito’y plinas na nila sa inidoro at hindi na makikita.
   
Lusot na sana sila sa kanilang krimen, dahil walang ebidensya ng kanilang kademonyuhan.  Kaso masyadong masisiba sila, kaya’t nalantad ang krimen nila.  
   
Sobrang sama ng mga opisyal ng NBI at PNP na sangkot sa krimeng ito, kung totoo ang bintang sa kanila.
   
Hindi dapat alagad ng batas ang tawag sa kanila, subalit alagad ni Satanas.
   
Dapat ang lahat ng sangkot sa krimeng ito ay makasuhan at mabulok sa bilangguan.