4,522 guests

May kinalaman ba si PAGCOR Director Fred Lim sa P50 M bribe money nina Argosino at Robles?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 442

MULING itinakda sa Huwebes, February 9, ang pangatlong Senate hearing  tungkol sa P50 million bribe money nina dating Bureau of Immigration (BI) Associate Commissioner Al Argosino at Michael Robles.

Pero ngayon pa lang, sigurado tayong marami pa ring senador ang gigil na magtanong tungkol sa samu’t saring pangyayari kung ano talaga ang tunay na katotohanan sa pinakamalaking iskandalo ng korapsiyon sa kasaysayan ng ‘eight month old’ na Duterte administration.

Sana lang, bigyan ng pagkakataon ni Blue Ribbon Committee Chair Senador Richard Gordon ang kanyang mga kasamahan na magtanong na may sapat na oras.
   
’Wag magagalit ang masipag na mambabatas. Sa pinakahuli kasing pagdinig, halos si Gordon na lang ang nagsalita nang nagsalita. Iyong tipong bago nagkaroon ng ‘question and answer portion’ para sa mga naka-line up niyang kasamahan ay mahigit tatlong oras muna itong naglitanya at nagtanong nang nagtanong sa mga inimbitahang resource person.
   
In fairness kay Gordon, malaman din ang mga tanong nito pero mas magkakaroon siguro ng ‘substance’ ang pagdinig  kung pinagbibigyan din ang mga kapwa senador.
   
Kahanga-hanga ang intelihenteng pagtatanong ni Senador Chiz Escudero. Direkta ito at walang paliguy-ligoy na naging dahilan para umiyak (walang luha?) si Argosino.
   
Sabi ng isang pulis-Makati na si Rey Jimenez, para raw itong ‘crocodile tears,’ na kung tatagalugin ay iyak ng buwaya.
   
Pati ang mamahaling  Panerai watch ni Argosino ay pinagpiyestahan sa social media.

Nakadeklara kaya sa SALN ni Argosino ang mamahaling relos nito?

Samantala, sigurado kong babalikan pa rin ng mga senador ang pagkakatukoy sa pangalan ng isang Alfredo Lim na bukod sa kapangalan ni dating Manila Mayor Alfredo Lim ay ka-brod din nina Argosino, Robles, Aguirre at Duterte.
   
Sinabi kasi ni Robles na matapos nilang iuwi ang P48 million na binigay sa kanila ni Wally Sombero ay nagkita sila kinabukasan ni Argosino kasama ang ka-brod na si Lim.
   
Nakapagdududa ang tagpong ito dahil ang tinutukoy nilang fraternity brod na si Fred Lim ay opisyal ng PAGCOR at ’wag nating kalimutan na ang pinag-uusapan sa ‘bribe money’ ay tungkol sa mga Chinese na nagtatrabaho sa online gambling ni Jack Lam.
   
Gusto kong bigyang diin na sa kabuuang bilang na 1,316 na inarestong Chinese, 43 lamang dito ang kinasuhan at inilagay sa ‘affidavit of arrest’ ng mga ‘arresting officer’ na sina Maria Margarita T. Manila at Danna Mae T. Bondoc.
   
Kung lalaliman ang pagtatanong, bakit nga ba 43 Chinese lamang ang inilagay nina Manila at Bondoc sa kanilang ‘affidavit of arrest?’
 
Hindi lang iyan, November 24, naganap ang pagsalakay pero bakit ginawa ang ‘affidavit of arrest’ noong December 2?
   
Matagal din tayong naging police reporter. Sa pagkakaalam ko kung ‘light offense’ lamang ang kaso ng isang akusado, kailangang mai-file sa piskalya ang asunto sa loob ng 12 oras; 18 oras kapag less grave ang offense o 36 hours kapag grave offense.
   
Pero sa kaso ng mga inarestong Chinese, bakit kaya inabot pa ng isang linggo bago sila na-inquest sa piskalya?
   
Nakapagdududa na ngang ibinaba sa bilang na 43 ang dapat sanang 1,316 na inarestong Chinese nationals ay nakapagtataka pang  December 2 lamang ginawa ang pagsasampa ng kaso sa piskalya.
       
Dahil kaya sa mga oras na ito ay may ‘negosasyon’ na sa pagitan nina Argosino, Robles, Sombero o pati na rin si Aguirre?
   
Minsan nating naisulat kamakailan na muntik pang magkaroon ng ‘riot’ sa Fontana sa pagitan ng mga inarestong Chinese.
   
Kaya pala nagkagulo noong Nobyembre 27 dahil daang bilang sa 1,316 Chinese ang pinapatakas ng ilang Immigration officers.
   
Mahalaga ang mga puntong ito na dapat ma-establish ng  magigiting nating senador.
   
Kaya dapat, ipatawag na rin sina Manila at Bondoc upang magisa at pagpaliwanagin. Nang malaman na rin natin kung may karapatan ba talaga silang pumirma sa affidavit of arrest dahil sigurado ang ating impormante na mga taga-tatak lamang sila ng passport sa airport at walang sapat na kaalaman para manghuli at mang-aresto.
 
Tulad ng sinabi ko kamakailan, ang grupong sinama ni Atty. Jake Licas sa raid sa Fontana ay nilinlang munang dadalo sa seminar sa Philippine Immigration Academy (PIA) sa Clark pero iyon pala ay ‘raid’ na ang ginawa.
   
Kaugnay nito, nilinis na ni Gordon si dating BI intelligence chief Charles Calima sa P50 million bribe scandal.
 
Mismong si BI Commissioner Jaime Morente kasi ang nagsabi na alam nitong gumagawa ng ‘counter intelligence’ si Calima laban kina Argosino at Robles.
   
Alam din ni Morente na nagbigay ng P18 million ang dalawang kumag na opisyal kay Calima. Ang naging problema lang ng opisyal, hindi agad ito nakagawa ng pormal na report tungkol sa pangyayari dahil na rin siguro na umaasa si Calima na makapanghuhuthot uli ng panibago pang P100 million sina Argosino at Robles.
   
Ayaw ko ring isipin na planado ang hindi pagsipot sa dalawang hearing ni Sombero. Nakakapanood kasi ito ng kaganapan sa pagdinig sa pamamagitan ng telebisyon.
   
At dahil napapanood niya ang buong pangyayari, nakapag-iisip ang kampo nito kung paano linisin ang pangalan ni Aguirre.
   
Dahil dito, consistent pa rin tayo sa ating suhestiyon. Pagdating ni Sombero sa Senado, ipasailalim agad ang cellphone nito sa pg susuri upang ma-trace kung sinu-sinong tao ang kausap at ka-text nito noong ginaganap ang negosasyon simula nang salakayin ang illegal na pasugalan ni Lam.