4,860 guests

3 kotong cops itinapon sa Mindanao

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 127

Iniutos ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo T. Eleazar ang paglipat sa Minda-nao ng tatlong pulis na sangkot sa pangongotong kamakailan sa isang taong inaresto nilang may warrant sa lungsod.

Kinilala ni Eleazar ang mga police na sina PO3 Aprilito Santos, 41, PO3 Ramil Dazo, 42, at PO3 Joseph Merin, 47, pawang mga nakatalaga sa Warrant and Subpoena Section ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
   
Sila ay inire-assigned sa Police Regional Office ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) habang iniimbestigahan ang kanilang kaso sa Quezon City.
   
Nag-ugat ang kaso laban sa tatlo nang arestuhin sila sa isang entrapment ng mga operatiba ng  Talipapa Police Station 3 (PS-3) sa Bgy. Talipapa, QC, noong January 19, 2017, matapos na dumulog ang biktimang si Illuminada Leetiong nang hi-ngian nila ng halagang P120,000 kapalit ang hindi paghuli sa kanyang anak.
   
Diumano nagtungo ang tatlong pulis sa bahay ni Leetiong na may bitbit na dalawang warrant of arrest laban sa anak ni Leetiong na si Raymond, 43, Filipino-Chinese, dahil sa kasong qualified theft.
   
Dito ay nakipagtawaran umano si Mrs. Leetiong sa halagang P120,000 na hi-nihingi ng mga suspek na pulis para mapalaya si Raymond.
   
Nang magpaalam si Mrs. Leetiong para magwithdraw ng pera at iniwan sa kanyang bahay ang mga suspek ay sa halip na bumalik ay nagpasya na itong humingi ng tulong sa barangay at kay Supt. Danilo G Mendoza, PS-3 commander, na siyang nagsagawa ng entrapment operation at naaresto ang tatlo.
   
Dagdag ni Eleazar, hindi nila hahayaan ang maling gawain ng kanilang kapulisan, kasabay ng pasasalamat sa mga biktima na nagsusumbong sa kanila kapag nakakaranas ng pangingikil ng mga pulis at huwag matakot na idulog sa kanila ang mga ito upang hindi na maulit ang katulad na pangyayari.