5,469 guests

Pilipinas, paano ka na ngayon?

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 299

Bangon kalikasan

Marami na ang tumututol sa araw-araw na pagpatay sa mga Pilipino. Karamihan sa kanila’y mahihirap. Ang mga pagpapatay ay dahil sa iligal na droga. Ang mga pinatay ay mga “nanlaban” daw. “Nanlaban” o “lumaban” dapat nang “ipagtanggol” ng mga alagad ng batas ang mga suspek na gumagamit ng shabu o nagbebenta ng shabu.

Ito ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga pulis na maraming ulit na niyang sinasabi sa madalas niyang pagharap sa media tuwing may mga dinadaluhan siyang okasyon. “Ipagtanggol” ang sarili laban sa mga “nanlalabang” suspek.”

Sabi naman ni dating pangulong Fidel V. Ramos, “just disable them.”

Nagkabiruan kami nang  matatagal ko  nang mga barkada’t  kaibigan isang araw sa isang reunion.

Sabi ng pinakamatanda naming kaibigan. “ Paano kung binabaril lang sana sa hita, eh pagputok ng baril pumalag at tumama sa tiyan o dibdib? Patay din at hindi na-disable!”
   
“Ahh, kailangan pa ng training ng mga pulis na ‘yon kung hindi pa marunong humuli ng suspek nang hindi pinapatay,” sabi ng pinakabata sa amin.
   
“Mahirap talaga kapag binaril ang suspek habang natutulog at nagulat o naalimpungatan dahil sa TV news ay nakikita mo ang mga sumusugod na pulis na sumisigaw na “taas ang mga kamay, walang tatakbo,…” Kapag naalimpungatan ang natutulog, biglang tatayo ito at baka mapakilos ng animo’y lalaban. Patay!” Sabi ng pinakamatanda naming kaibigan.
   
Sabi ng kaibigan naming may-ari ng bahay. “Mahirap talaga ang gyera laban sa iligal na droga. Hindi na  yata pinipili. May isang ginang na maghahatid lang ng mga anak sa iskwela, binaril sa ulo ng maraming ulit. Parang galit na galit ang pumatay at nakita pa ng mga batang anak. ‘Yung iba, pinapasok na talaga sa mga bahay nila nang walang warrant of arrest tapos “manlalaban” daw ang mga suspek, ayun patay!”
   
Marami na ‘umanong mga maralitang lunsod, lider magsasaka, katutubo ang napatay na ng mga riding in-tandem kahit sa araw pa ng International Human Rights Day nitong Disyembre 10.
   
Lumagpas na sa linya ‘ika nga. Kailangang repasuhin na ni Pangulong Duterte ang kanyang “gyera.” Tila nagagamit na ito sa masamang paraan.
   
Sa anim na buwan niyang panunungkulan na ipinangako niyang matatapos na ang iligal na droga sa bansa ay tila hindi pa ito matatapos. Humingi na nga ng palugit pa si PNP Chief Ronaldo Dela Rosa ng hindi ko matandaan kung gaano katagal pang palugit upang tapusin daw ang laban sa iligal na droga.
   
Marami nang pumapalag, bumabatikos sa “gyerang” ito. Maging ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ay nagpahiwatig na ng mariing pagkondena sa patuloy na pagpatay at sa isinusulong ng pamahalaang Duterte na death penalty. Nagmobilisa sila at nagmartsa sa Mendiola noong Disyembre 10.
   
Sabi ng pinakamatanda naming kaibigan, “nandito na ang death penalty! Wala ngang warrant of arrest, wala nang huli-huli tigok agad ang suspek, ano ang tawag do’n? Hindi ba death penalty na ‘yon?   
   
O Pilipinas kong mahal, bakit ginaganito ang ‘yong mamamayan? Ano na ang nangyari sa mga salitang pagbabago?  Kamatayan nga ba ang kahulugan ng pagbabago?
   
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)