7,232 guests

Kris, sa Facebook na lang napapanood

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 340

BALITANG may bagong kumpanyang itinatag  si Kris Aquino in partnership with her new business manager na si Tony Tuviera, ang big boss ng TAPE, Inc., APT Entertainment at Triple A Talent Management

Hindi man sa  mainstream TV, napapanood naman siya ngayon sa kanyang bagong talk show sa pamamagitan ng Facebook Live na kanyang sinimulan with Maine Mendoza as special guest.

Although hindi si Kris ang kauna-unahang nagkaroon ng show sa Facebook Live, masasabing isa itong bagong challenge sa tinaguriang Queen of All Media.

Ganunpaman, umaasa pa rin ang napakaraming followers ni Kris na sana’y mapanood siya sa regular TV tulad ng kanyang huling programa sa ABS-CBN, ang “Kris TV”.
   
Samantala, parehong pinanood ni Kris ang magkahiwalay na pelikula nina Vic Sotto at Vice Ganda and Coco Martin.
   
Unang pinanood ni Kris ang “Enteng Kabisote 10 & the Abangers” kasama si Maine Mendoza at sabay naman nilang pinanood ni Vice Ganda ang “The Super Parental Guardians” kasama ang dalawa niyang anak na sina Joshua at Bimby.
   
Kahit wala na siyang programa sa ABS-CBN, Kris remains friends sa mga kaibigan niya sa Kapamilya Network.

VICE GANDA, MAY HINIHILING

HINDI man nakapasok sa Metro Manila Film Festival ang pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin na “The Super Parental Guardians,” tumabo naman ito nang husto sa takilya kaya tuwang-tuwa ang Star Cinema at Viva Films at maging ang director ng pelikula na si Joyce Bernal dahil sobra-sobra sa inaasahan nila ang kinalabasan sa takilya ng pelikula kahit on an ordinary playdate ito ipinalabas.
   
Nang tanungin siya kung ano pa ang mahihiling, ani Vice: "Good health para sa akin at sa aking ina."
   
Ang dahilan: "Gusto ko pang magpasaya ng mga tao. Sa aking ina naman, siya na lang ang kadamay ko ngayon."

VHONG, PAMBAGONG TAON

NALUNGKOT man si Vhong Navarro na hindi mapapanood ng mga bata at ng buong pamilya  sa Christmas season ang kanyang bagong pelikulang “Mang Kepweng Returns” na dinirek ni GB Sampedro under Cineko Productions, umaasa siya na tatangkilikin pa rin ito ng mga manonood sa Enero 8, 2017 na siyang bagong playdate ng pelikula.  Ito bale ang magiging pang-buena mano sa pagpasok ng Bagong Taong 2017.
   
Leading lady ni Vhong ang Kapuso sexy actress na si Kim Domingo. Tampok din sa nasabing pelikula sina Sunshine Cruz, Jaclyn Jose, Jhong Hilario, Lotlot de Leon, Pen Medina at marami pang iba.

PAOLO, IGINIGIIT NA ’DI RAW NASUSPINDE

KUNG nakapasok sa MMFF ang pelikulang “Enteng Kabisote 10 & the Abangers” ni Vic Sotto, magiging dalawang entry ng “Eat Bulaga” Dabarkads na si Paolo Ballesteros dahil siya ang bida sa pelikulang nagpanalo sa kanya ng Best Actor sa Tokyo International Film Festival recently, ang “Die Beautiful” na dinirek ni Jun Robles Lana.
   
Last December 5 ng gabi, isang grand presscon ang ibinigay ng Regal Matriarch na si Mother Lily Monteverde para kay Paolo at sa cast ng “Die Beautiful” na ginanap sa Events Place ni Mother Lily sa Valencia St., Quezon City.
   
Although last November 29 pa ang kaarawan ni Paolo (ka-birthday niya ang kanyang eight-year-old daughter na si Keira Claire), binigyan ni Mother Lily si Paolo ng belated birthday surprise kaya hindi napigilan ng actor-TV host-impersonator/transformer ang mapaiyak.
   
Very thankful din si Paolo dahil sa sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanyang buhay ngayon.
   
Tila naging blessing in disguise naman kay Paolo ang kanyang almost six months suspension sa “Eat Bulaga” dahil nakagawa siya ng dalawang pelikula na parehong lead role ang kanyang ginampanan, ang “Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend” kung saan niya naging co-star sina Anne Curtis at Dennis Trillo at ang “Die Beautiful” na hindi lamang nagbiday sa kanya ng kanyang first international Best Actor trophy kundi ito rin ang kauna-unahang pelikula na siya mismo ang main lead.
   
Gustong sabihin ni Paolo na nagbakasyon lamang daw siya sa “Eat Bulaga” at hindi suspension dahil ito ang nagbukas sa kanya ng mga bagong opportunities.

PANG. DIGONG AT KYLIE, NAGKITA MULI

LAST Monday (December 5) ay muling nakadaupang palad ng 2016 Miss International na si Kylie Verzosa si Pangulong Rodrigo Duterte nang mag-courtesy call ang bagong Filipina beauty queen sa Malacañang.
   
Unang nagkita sina Kylie at Pangulong Digong sa Tokyo, Japan last October 27 kung saan naroon ang huli for the State Visit.  Nasa Tokyo naman noon si Kylie for the Miss International pageant kung saan kinatawan ng Pilipinas si Kylie.