6,552 guests

Ang tunay na pakay ng mga dilaw sa pagtutol sa libing ni Marcos

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 299

SA nagdaang 45 taon, simula 1971, ang pulitika sa ating bansa ay laban ng dalawang pamilya, ang mga Marcos at Aquino, na kinatawan ng mga ama nito, sina Ferdinand E. Marcos (FM) at Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. 

Bunga ng 1986 EDSA People Power Revolution, napatalsik si FM at pumalit ang biyuda ni Ninoy na si Cory, simula ng paghawak ng mga Aquino sa kapangyarihan ng bansa.
   
Matapos ang EDSA People Power at termino ni Cory, ang mga sumunod na Pangulo ng bansa ay mga kaalyado ng dalawang pamilya.
   
Ang pumalit kay Cory ay si Gen. Fidel Ramos na nag-aklas kay FM at nagtanggol kay Cory sa mga kudeta nina Juan Ponce Enrile at Gregorio Honasan.
   
Matapos ang termino ni Ramos, naging Pangulo si Joseph “Erap” Estrada, na kaalyado ng mga Marcos.
   
Nang siya’y mapatalsik sa EDSA People Power 2, pumalit ang kanyang Bise-Presidente, na si Gloria Macapagal Arroyo, na kaalyado rin ng mga Marcos.
   
Matapos ang termino ni Gloria, pumalit ang anak nina Ninoy at Cory na si Benigno “Noynoy” Aquino III, na pangalawang paghawak ng mga Aquino sa kapangyarihan ng bansa.
   
Sa nagdaang halalan nitong 2016, ang kandidato ni Noynoy ay ang natalong DILG Secretary Mar Roxas. Matapos ang halalan, lumabas na ang nanalo, si Pangulong Rody Duterte ay kaalyado pala ng mga Marcos.
   
Sa pagsang-ayon ni Duterte sa libing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), na ipinag-utos ng Korte Suprema (KS), bumangon sa anim na buwang  pagkahimlay ang  pwersang dilaw ng mga Aquino at tinuligsa si Duterte at ang KS,  na ’di raw dapat ilibing si FM sa LNMB dahil siya’y mamamatay tao, magnanakaw at hindi bayani.
   
Nitong Nobyembre 30, Araw ng mga Bayani, nagtungo sila sa EDSA Shrine at nanawagan ng People Power kontra sa libing ni FM sa LNMB. Ang dumalo sa rally ay mga kaalyado ni Noynoy, ang natalong si Roxas, dating DILG Secretary Soliman,  Senadora De Lima, Hontiveros at iba pang dilawang lider ng mga Aquino.                   
   
Matindi ang batikos nila kay Duterte at kinukwestyon ang pamamalakad nito at nagsabing ’di sila titigil hangga’t ’di nahuhukay ang mga labi ni FM.
   
Samantalang sinisigaw ng mga Dilaw na berdugo at magnanakaw si FM, tikom sila sa mga sumusunod na masaker at kurapsyong nangyari sa gobyernong Cory at Noynoy,  na hanggang ngayon’y hindi nabibigyan ng hustiya:
   
1. Ang Mendiola Massacre sa harap ng Malacañang noong January 22, 1987, kung saan 13 magsasaka ang namatay.
   
2. Ang Hacienda Luisita Massacre sa lupain ng mga Aquino sa Tarlac noong  November 16, 2014, kung saan 14 magsasaka, kabilang ang dalawang bata ang napatay.
   
3. Ang Kidapawan Massacre noong April 1, 2016, kung saan ang 6,000 magsasaka na humihingi ng bigas ay pinagbabaril, na ikinamatay ng tatlo at ikinasugat ng 30 sa tama ng bala.
   
4. Ang SAF 44 Massacre sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015, na nangyari sa kapabayaan ni Noynoy.
   
Tikom rin ang mga Dilaw sa mga kurapsyong nangyari sa pamahalaang Aquino, tulad ng:
   
1. Ang pagsuhol ng Malacañang ng P100 milyon, pataas, sa mga senador para patalsikin si yumaong CJ Renato Corona.
   
2. Ang pagkawala ng higit P90 bilyong donasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
   
3. Ang pagkawala ng mahigit P50 bilyong Malampaya funds.
   
4. Ang pamimigay ni Noynoy ng bilyun-bilyong PDAF sa mga kaalyadong congressman at senador na ipinagbawal ng KS.
   
5. Ang paggamit ni PNoy sa kanyang P800 bilyon DAP (Disbursement Acceleration Program) funds, na ayon sa KS ay labag sa Konstitusyon.
   
Napakarami pang malaking kurapsyon ang nangyari sa gobyerno ni Noynoy, na kinasangkutan ng kanyang mga kabineteng sina, Butch Abad ng DBM, Proseso Alcala ng DA, Jun Abaya ng DoTC atbp., subali’t pawang nilimot ng mga Dilaw.
   
Sa dahilang ang pinuprotesta lang ng mga Dilaw sa libing ni FM ay ang mga krimen ng huli at tikom sila sa mga nasabing krimen ng mag-inang Aquino, malinaw na ang pakay nila sa pagtawag ng People Power ay patalsikin si Duterte, kung makakuha sila ng sapat na pwersa (kunwari lang ang sigaw nilang hukayin ang mga labi ni Marcos sa LNMB) nang  mapabalik sila sa kapangyarihan.