4,778 guests

Michael, napaiyak dahil sa pangungulila sa anak

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 402

Successful, star-studded, makulay at napaka-saya ng ginanap na free birthday concert ni Michael Pangilinan titled Si Erap, Si Michael at ang mga Manilenyo last Saturday sa Rajah Sulayman Open Park sa Malate. Halos lahat ng kaibigan at nagma-mahal sa singer ay dumating  at nakiisa sa pagdiriwang.

Ang mga kaibigan niyang kapwa-artists ay nagsipag-perform bilang suporta sa nasabing free birthday concert tulad ng girlfriend niyang si Garie Concepcion, KZ Tandingan, Jake Ejercito, Jimmy Bondoc, Duncan Ramos, Marion, Boobsie Wonderland, Ate Gay at marami pang iba. Of course, naroroon din ang manager ni Michael na siyang punong-abala at nag-organize ng concert na si Jobert Sucaldito.
   
Kumpleto na sana ang kasiyahan ni Michael at isang-isa lang talaga ang kulang para masabing wala na siyang mahihiling pa sa kanyang ika-21 na kaarawan -- ito ay walang iba kungdi ang mag-i-isang taon niyang anak na si Ezekiel sa dati niyang girlfriend, ang Star Magic talent na si Erin Ocampo.
   
Hanggang sa bago magsimula ang show ay umasa si Michael na darating ang anak. Halos hindi niya maasikaso ang ibang fans at hindi siya makaalis sa dressing room dahil baka bigla raw dumating ang anak at hindi siya makita agad.
   
“Kanina,” ani Michael nang makausap namin after the successful concert, “bago ako pumunta dito, ‘yun lang ang pinagdasal ko -- sana maghimala na biglang iakyat (ang bata sa stage).
   
Pero hanggang sa natapos ang concert ay hindi nasilayan ni Michael ang hinihintay na anak kaya sobrang lungkot at disappointed niya.
   
Ayon kay Michael, sana man lang daw ay pinapunta ni Erin ang anak nila.
   
“Kahit hindi na siya ang magdala sa bata, pasuyo lang niya sa iba or ipahatid niya sa iba. ’Di ba?”
   
At this point ay hindi na napigilan ni Michael ang maging emosyonal.
   
“Kung matino ka (referring to Erin), birthday ng tatay ng... (anak mo), debut pa, ano ba naman ’yung mag-effort ka, little effort na... may kotse ka naman, bumiyahe ka, kahit tapos na, kung ano’ng oras ka dadating.
   
“Kung nakikipagmataasan ka ng pride, huwag kang bumaba (ng kotse), ipahatid mo ’yung bata.”
   
Ayon pa kay Michael, matagal na rin daw na ayaw ipahiram sa kanya ni Erin ang kanilang anak.
   
“Nag-usap na naman kami. Tapos, napag-usapan namin, naayos naman. Sabi naman niya, tutulungan naman daw niya ako. Kasi ang pangit lang, kung may problema kayo sa akin o may problema ako sa inyo, huwag n’yong idamay ’yung tayo. Iba ’yung sa bata, problema natin ’yan, tayo magharap. Huwag mong idaan sa bata para masaktan mo lang ako.
   
“Sa totoo lang, masakit. Lagi po akong umiiyak. Lalo na kaninang umaga papunta pa lang ako dito. Iba talaga ’pag anak, eh.”
   
Sa ngayon ay binabalak na raw nilang dalhin ang lahat sa korte.
   
Nilinaw ni Michael na hindi niya ginagamit ang anak para pag-usapan tulad ng ibinibintang ng kampo ni Erin.
   
“Sa totoo lang, hindi ko kailangang sumikat at gamitin ang bata. Nagpapakatotoo lang ako. Sabi ko nga, ilang beses kong ipinapanalangin, kahit wala akong show, kahit hindi ako sumikat, kasama ko lang ang anak ko, kumakain kami ng 3 beses isang araw, okay na ako do’n.”
   
Ezekiel is turning one year old on Dec. 15 at ang tanging hiling ni Michael ay makapiling ang anak.
   
“Sana naman, sana. Sana maghimala,” umiiyak pa rin niyang sabi. “Naniniwala ako, gumagalaw ang Panginoon, pero hindi ko Siya minamadali. Alam ko ’pag, dumating ang araw na ’yun, ’yon ’yung masasabi ko na worth it lahat ng paghihintay ko, worth it lahat ng sakit.”
   
Pero kahit wala ang pinaka-importanteng tao sa buhay niya nang gabing iyon, masaya pa rin si Michael sa nakitang suporta at pagmamahal sa kanya ng fans, supporters, pati na rin ang lahat ng mga kaibigan niyang artist na nag-perform, mga entertainment press na pumunta and of course sa kanyang manager na si Jobert.

“Ang daming nagmamahal sa akin, grabe. Mahal ko kayong lahat. Sobrang blessed ko dahil nandiyan ang mga supporters ko, manager ko, kayo, mga friends ko, ‘yung mga talagang nagmamahal sa akin na nakita ko sa birthday ko.”
   
Ang nasabing free concert ay isang paraan ni Michael para pasalamatan ang lahat ng kanyang fans at lahat ng sumuporta sa kanya sa five years niyang pamamalagi sa industry.