5,278 guests

Dutch timbog sa cal. .45

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 199

ARESTADO ang isang Dutch makaraang mahulihan ng baril sa loob ng isang bus terminal kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nadakip ng mga tauhan ni Chief Insp. Moner Orang, hepe ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2, si Cornelis Kok, 67, ng Talampas, Bustos, Bulacan, matapos humingi ng tulong ang security guard ng bus terminal sa mga nagpapatrul-yang pulis alas-9:30 ng umaga.
    
Sa ulat na tinanggap ni Caloocan deputy police chief for administration Supt. Ferdie del Rosario, nagpapatrulya sina PO1 Perfecto Marquez at dalawang kasama nang humingi ng ayuda sa kanila si Jerry Silva, security guard ng Baliwag Bus Terminal na nasa kanto ng  2nd Avenue at Rizal Avenue, hinggil sa isang dayuhang pasahero na may dalang baril.
 
Matapos arestuhin, nagpakita ng mga dokumento si Kok na magpapatunay na lisensiyado ang kanyang dalang kalibre .45 Colt MKIV na pistola na may anim na bala sa magazine.
    
Nang suriin ng mga pulis ang dokumentong ipinakita ng dayuhan, palsipikado ang mga ito kaya’t sinampahan siya ng kasong paglabag sa RA 10592 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.