6,019 guests

2 lalaki binoga sa QC, todas

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 181

Dalawang lalaki ang namatay sa magkakahiwalay na shooting incidents sa Quezon City.

Sa ulat kahapon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang mga nasawi na sina Anthony Garcia Merjuar, 33, binata, barker, ng 5 Litex Road, Bgy. Commonwealth, QC; at Rowel Regis Cruz, 32, may asawa, driver, ng 17 Malakas St., Litex Road, Bgy. Commonwealth.
   
Ayon sa ulat ni PO3 Virgilio Mendoza, may-hawak ng kaso, unang naganap ang pamamaril kay Merjuar, sa may harap ng isang kainan sa IBP Road kanto ng Payatas, Bgy. Commonwealth, alas-9:20 ng gabi.
   
Base sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Mylene, nasa loob siya ng kanilang bahay nang dumating ang pamangking lalaki na humihingi ng tulong dahil sa insidente.
   
Agad nagtungo si My-lene sa lugar kung saan nakita niya ang sugatang kapatid. Mabilis siyang humingi ng tulong sa barangay at isinugod ang biktima, gamit ang ambulansiya ng barangay, sa East Avenue Medical Center pero nasawi din ito.
   
Samantala, 1:20 ng madaling araw nang pagbabarilin naman ng isa sa mga nakamotorsiklong suspek si Cruz sa may lamay sa Malakas Street.
   
Sa pahayag kay SPO2 Elmer Balleras ng saksing si Eliza Habla, naglalaro umano sila ng biktima ng pusoy sa isang lamay ng patay sa lugar nang biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril mula sa kaliwang bahagi ng kanyang kinauupuan.
   
May iniwan pa ang mga suspek ng karatulang nakasulat ang katagang “Huwag n’yo akong tularan, drug pusher ako.”