6,896 guests

May namamayagpag pa bang gangster sa Tondo?

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 219

On the beat

ISA sa kinahuhuma­lingang sugal ng mga Pinoy ang sabong o tupada. Hindi nasu­suri sa estado ng pa­mu­muhay ang mga na­hu­humaling dito, maging politiko, ma­kapangyarihang tao, mayaman o naghihikahos sa buhay ay may pagkakataon na su­mugal at mahumaling sa sabong.

Ang kaibahan nga lang ng mga mayayaman sa mahihirap na sabu­ngero, may espesyal na lugar sa isang ligal na sabungan ang mga ma­salapi habang sa iligal na tupadahan lang nagtiti­yaga ang mga ordinar­yong sabungero.

Sa katunayan, sa kabila ng pagbabawal ng pambansa at lokal na pamahalaan sa iligal na tupada, hindi masawata ang mga nahuhumaling sa ganitong uri ng sugal ang mga sabungero na hindi kayang tumaya sa mga ligal na sabungan. Dito nga lang sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) hindi pinalalagpas ng mga sabungero ang piyesta opisyal o araw ng Linggo na hindi sila magpapa-tupada.

Hindi naman nagpapabaya ang pulisya dahil talagang hinuhuli nila ang mga ito sa oras na makatanggap ng reklamo o sumbong mula sa mga residenteng nape­perhuwisyo. Sa katuna­yan, halos linggu-linggo ay may ulat ng pag­kakadakip sa mga taong sangkot sa iligal na tupada sa CAMANAVA area.

Namamayagpag lang naman ang mga iligal na tupada kapag pinahintulutan ito ng barangay officials habang naka­kakuha naman ang ilan ng permiso sa lokal na pamahalaan lalo na kapag may okasyon tulad ng kapistahan sa isang barangay.
   
Pero dito pala sa Pa­checo Street sa Tondo, Manila, hindi na kaila­ngan ang permit dahil araw-araw pala ang iligal na tupada sa natu­rang lugar na kinukunsinti ng barangay officials.
   
Ang siste pa, hindi pala basta-basta napapasok ang lugar dahil sa bungad pa lamang ay may mga nakabantay ng mga butangero na handang manakit sa sinumang dayo na magtatangkang pumasok sa lugar. Ibig sabihin, mga suki lang ng tupada ang nakakapasok dito.
   
Kamakailan nga ay umugong ang ulat na may binaril daw na ma­nanari sa naturang tupadahan dahil nabistong naglalagay ng tari na walang talim pero hindi naman daw nakarating sa pulisya ang insidente at wala isa man ang pumiyok.
   
Akala ng marami, hindi na uso ang mga siga at butangero sa Tondo dahil tapos na ang kasaysayan ng kilalang gangsters tulad nina Asiong Salonga, Totoy Golem, Erning Tootpick, Boy Zapanta at iba pa pero dito pala sa Pacheco Street, umiiral pa rin ang kapangyarihan ng mga siga.
   
Ito kaya ang dahilan kaya’t hindi mapasok ng kapulisan ang iligal na tupada sa Pacheco Street at kahit may alingasngas na ng patayan ay nagagawa pa rin nilang pagtakpan?

REKLAMO PA SA KOTONG ENFORCERS
   
Nang ilathala ng On the Beat ang mga kotongerong traffic enforcer sa kahabaang ng Jose Abad Santos mula C. M. Recto hanggang sa tapat ng Ospital ng Tondo sa Tecson, isang katerba ang tinanggap nating text messages sa mga reader na karamihan ay nabiktima ng pangungotong.
   
Sa text ni Lito ng GSIS, siya at ang kanyang anak ay hinuli daw sa kanto ng Abad Santos at Yuseco dahil tumawid na sila gayung red light pa ang traffic signal. May camera raw ang kanilang helmet at alam na nilang green ang ilaw pero dahil mataas ang traffic lights, hindi ito nahagip ng kanilang camera kaya hindi na sila nakipagtalo.
   
Nagpahiwatig daw ang traffic enforcer ng areglo pero dahil sa inis nilang mag-ama, nagpa-isyu na sila ng tiket para tubusin na lang at hindi mapunta ang pera nila sa bulsa ng mga kotongero. Pero ang nangyari, pagdating nila sa bahay at masuri ang tiket, ibang violation ang ini­lagay na mas mahal ang tubos.
   
Sa text naman ni Rico ng Sampaloc, Manila, inireklamo niya ang mga kotongero raw na traffic enforcer na nagtatago sa tabi ng isang convenience store sa kanto ng Dimasalang at Retiro Streets at bigla na lamang su­sulpot kapag nakatiyempo nang luma­bag sa batas trapiko.
   
Reklamo naman ng isang reader na ang huling numero ng cell phone ay 5842, araw-araw daw siyang dumadaan sa Abad Santos mula Valenzuela patu­ngong Binondo at napupuna niya na nagkakaroon ng traffic sa mga lugar na hindi lang double kundi triple parking pa pero pinapa­yagan at binabantayan pa raw ng mga traffic enforcer lalo na sa tapat ng isang tindahan ng kotse.
   
Ganito rin ang reklamo ng isang reader na ang huling numero ay 5117 dahil sa tapat daw ng Hyundai motor sa Abad Santos nakatambay ang traffic enforcer na naghihintay ng mabibiktima pero hindi raw nakikita ang triple at double parking na sagabal sa daloy ng trapiko.
   
Nagpasalamat naman sa On the Beat ang reader na ang huling numero ng cell phone ay 2376 dahil sa pagkakalathala sa mga kotongerong traffic enforcer sa Jose Abad Santos. Sana raw ay kumilos na rito si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) head Dennis Alcoriza. Marami pang  text messages pero kulang ang espasyo para ilathala ang mga ito.
   
Sa mga reklamo at sumbong, mag-email lang sa eddreyes2006­@ya­hoo.com o mag-text sa 0915-64920-23.