5,051 guests

Babae tinadtad ng bala, patay

  • Written by People's Tonight
  • Published in Metro
  • Read: 237

ISANG babae ang pinagbabaril hanggang sa mamatay habang nakatayo sa isang kalye sa Barangay Commonwealth, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kinilalang si Ma. Teresita Pastrana, 52, ay agad binawian ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo at kaliwang pisngi, ayon kay PO3 Jim Barayoga, imbestigador sa kaso.
   
Ayon kay Barayoga, sa riding-in- tandem criminals tanging ang backrider lamang ang bumaril sa biktima na agad na tumakas makaraang isagawa ang krimen.
   
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Poisettia St., Bgy. Commonwealth QC, dakong alas 6:30 ng gabi.
   
Base sa pahayag ng testigong si Sophia Oñate, nakatayo siya malapit sa lugar nang makita ang isang hindi nakikilalang lalaki na armado ng baril. Ilang sandali, lumapit umano ang armadong lalaki sa biktima na noon ay nakaupo sa gutter at nakikipagkuwentuhan, saka pinagbabaril nang malapitan ito sanhi ng agaran niyang kamatayan.
   
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng kanyang kasamahan patungo sa hindi mabatid na direksyon.
   
Isang concerned citizen naman ang agad na nagpabatid ng insidente sa barangay hanggang sa otoridad para sa imbestigasyon.
   
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene, narekober ang apat na basyo mula sa kalibre 45 baril, at isang tingga nito. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa insidente.