5,603 guests

Hotel cashier utas sa 2 holdaper

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 248

Patay ang isang cashier nang barilin at pagsasaksakin ng dalawang holdaper na tumangay sa kinita ng pinagli-lingkuran niyang hotel matapos na tangkain na habulin ang mga suspek sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Si Arnel Nalic, 24, binata, ay nagawa pang maitakbo sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival dahil sa mga tama ng bala at mga saksak sa katawan, ayon kay PO2 George Caculba, may hawak ng kaso.

Base sa pagsisiyasat ni PO3 Caculba, nangyari ang insidente sa Baesa Hotel na pinaglilingkuran ng biktima na matatagpuan sa 3111-A Quirino Hi-way, Bgy. Baesa, QC, dakong 3:25 a.m.

Nasa counter si Nalic at ang guwardiyang si Anthony Gonzalez  ng naturang hotel nang biglang sumulpot ang mga suspek sabay deklara ng holdap at sila’y pinadapa.

Nilimas ng mga suspek ang kinita ng hotel at nang akmang tatakas na sila ay tumayo ang biktima at tinangkang habulin dahilan para siya pagbabarilin at pagsaksakin, bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.
   
Ang duguang biktima naman ay naisugod pa ng barangay tanod at kasamahan sa trabaho sa Quezon City General Hospital.
   
Sa pagsisiyasat ng otoridad sa crime scene ay narekober ang apat na basyo ng bala, dalawang piraso ng bala ng kalibre .38 na baril, isang kalibre .45 at isang tingga.