5,060 guests

Mga ‘hao-shiao’ ang problema ng media

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 197

NOONG Lunes, mga kabayan, muling isinumpa, err, nanumpa sa tungkulin, ang mga opisyales ng National Press Club (NPC) sa pangunguna ng inyong lingkod.

Bago ito, noong nakaraang Biyernes, Oktubre 28, ika-64 anibersaryo ng NPC, nanumpa na rin kami kay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at noon ngang Lunes ay kay Pang. Rody Duterte naman sa Heroes Hall ng Malacañang.

Bakit ‘not once, but twice’ ba kamo ang tanong ninyo mga “kapatid” sa hanapbuhay?
   
Una, wala namang masama dito. Ikalawa, bilang pangulo ng NPC hindi tayo “kumportable” na mag-anibersaryo ang ating samahan na wala pa tayong ‘official blessing’ ng ating mga lider ng bayan.
   
At nalaman pa natin, kasamang John Sino Cruz, na “natagalan” ang pagkuha ng NPC ng ‘schedule’ kay PDU30 dahil kamuntik na palang “magtagumpay” ang intriga nu’ng grupong “inilalampaso” ng Press Freedom Party tuwing NPC election (dahil ayaw na nga ng ating kasapian sa mga “hao-shiao” na katulad nila).
   
Ayon kasi sa ilang kasamang mamamahayag sa Malacañang Press Corps (MPC), “siniraan” pala ng mga hindoropot na ito ang mga opisyal ng NPC kung saan sinabing “mga kalaban” sila ni PDU30 noong panahon ng kampanya!
   
Aber, hindi na talaga ‘makamove-on’ sa kanilang pagkatalo at pagkatanggal sa NPC roster ang mga ogags na ito (dahil nga hao-shiao).
   
’Yun nga lang, press secretary Martin Andanar, ang masamang balita sa administrasyon ni Pang. Digong, binigyan ninyo ng pagkakataon na matawag na “lehitimong media” ang isa sa mga hao-shiao na ito matapos ninyong bigyan ng ‘accreditation’ bilang Malacañang beat reporter, ang buhay nga naman, tsk, tsk, tsk!
   
Itong hao-shiao na ito, mga kapatid ang alam natin na  patuloy pa ring gumagawa ng intriga laban sa mga opisyal ng NPC dahil alam na alam ng grupo niya na kahit ano pang ‘credentials’ ang ipakita nila, sa basurahan ng NPC Membership Committee babagsak ang kanilang mga aplikasyon.

* * *

Sa talumpati ni Pang. Rody bago ang aming pormal na pagsumpa sa tungkulin, diretso niyang tinukoy ang problema ng mga hao-shiao sa hanay ng media na una, ay mga malaking kahihiyan sa ating propesyon -- at sakit ng ulo -- dahil nga sa ugaling mga bandido at kawalan ng propesyunalismo.
   
“I hope you don’t mind pero ’yung iba sa inyo, pinabili lang ng pandesal pagbalik ng bahay, brodkaster na!” pansin pa ni PDU30.
   
At sa komentong ito, kaibigang Jessant So, marami sa opisyal ng NPC at mga lehitimong kasapi ng media sa MPC ang napangiti dahil tila sabay-sabay naming naalala itong isang dating magtitinda lang ng longganisa sa Aduana, pag-uwi ng bahay, brodkaster na, ahahay!!
   
At gusto ko nga sanang idagdag: ’Yung “iba” nga -- na “tsuwariwap” lang sa bayarang programa nitong ex-longganisa vendor na mayabang na ngayon bilang di-umano ay kolumnista at “broadcaster” -- aber ngayon, ‘Palace reporter’ na, aguy, aguy, aguy!
   
At dahil nga wala namang pinag-aralan at pagpapahalaga sa ‘ethics of journalism’ ang mga damuhong ito -- na gagawin pang “personal” ang mga banat sa kanilang mga kinaiinggitan (o gustong kikilan) -- katulad ng pagdamay sa kanilang mga pamilya, ang resulta, ayon pa nga kay PDU30, ay ‘media killing.’
   
Kumbaga, muling idiniin ni Pang. Rody na mga hao-shiao sa hanay ng media ang isa mga dahilan kung bakit hindi matigil ang media killing.
   
And on this, I wholly agree with you, Mr. President. And this is why the NPC continues to make sure that the likes of them won’t be able to enter our roster of membership again -- the main reason why this bunch of misfits also continues to sow intrigues against the NPC.
   
Sa paliwanag nating ito, kasamang Alan Encarnacion, siguro naman “maliliwanagan” na ang ilang mga opisyal sa Palasyo kung bakit palagi na lang may intriga laban sa hanay ng mga matitinong kagawad ng media? Harinawa.

* * *   

Sa pagkamatay naman noong Nobyembre 5 ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa kamay ng ‘hit squad,’ err, ‘arresting team’ ng CIDG Region 8, lumabas sa mga balita na apat umanong miyembro ng ‘media’ ang nasa “listahan” ng mga Espinosa bilang mga protektor ng iligal na droga.
       
Ang mga pangalan ng mga umano’y ‘protector’ ni yorme at kanyang anak na si Kerwin, ay nakapaloob sa ‘sworn affidavit’ na ibinigay ng nasawing alkalde noon pang isang buwan bago siya nagdesisyong “lumaban” na lang sa mga armadong tauhan ng CIDG.
   
Sa panig ng NPC, natutuwa tayong ibalita sa lahat na apat na umano’y kasapi ng media na “inginuso” ni Mayor Espinosa, WALA kahit isa sa kanila ay miyembro ng NPC-Tacloban, ayon na rin kay kasamang Mel Caspe.
   
Ayon pa nga kay kasamang Mel Caspe, matapos “masopla” ang aplikasyon ng mga ito sa NPC, nagdesisyon silang sumapi sa isa pang samahan ng mga media na sobrang “maingay” sa isyu ng media killings at media repression -- pero ayaw namang makilahok sa mga imbestigasyon at “kuntento” na sa pagbatikos sa pagiging “inutil” ng gobyerno sa mga problemang ito.
   
At bilang “pahabol” mga kabayan, tuluy-tuloy ang isinasagawang drug test ng NPC sa mga miyembro nito kung saan kahapon ang “isinalang” naman ay ang mga miyembro ng QCPD Press Corps at NCRPO Press Corps.
   
May “mahuli” na kaya o, patuloy na magiging ‘clean slate’ ang kasapian ng NPC sa paggamit ng iligal na droga? Abangan!