12,212 guests

Digong, nagpa-cute kay Leni sa Tacloban

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 368

Parang loveteam talaga ng pulitika sina Pres. Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo. 

Hanggang sa Tacloban, katakut-takot na sigawan at tuksuhan ang mga Taclobanon habang nagpapa-cute ang Pangulo sa Bise sa stage.

Pumunta sina Pres. Duterte at Vice Pres. Leni sa Tacloban noong Nov. 8 bilang panauhing pandangal sa 3rd Yolanda Commemoration.
   
Dito ay ginunita ang libu-libong nasawi sa nasabing super typhoon noong 2013.
   
Dumating si Pres. Duterte ng pasado alas-tres ng hapon sa Holy Cross Memorial Park sakay ng chopper.        
   
Nauna lang sa kanya ng kaunti si Vice Leni.
     
Sa speech ni Digong, isiningit niya ang pagpapa-cute sa Bise Presidente. Aniya, talagang sinundan niya si Vice Leni sa Tacloban.
     
“Kung saan siya (Vice Leni) nagapunta, nagpasunud-sunod ako,” sabi ni Digong na umani ng tuksuhan.
     
“Biyuda kasi,” dagdag pa niya. “Annulled man ako sa... totoo, annulled ako sa asawa ko. Pero may anak ako, pero basta masuportahan lang, okay na ’yun.”
     
Sigawan na naman at pati si Vice Leni ay natatawa.
     
Hirit ulit ni Digong, “Ma’am (Leni), balita ko, may boyfriend (pabulong na binigkas ang ‘boyfriend’ at inilayo sandali ang microphone para hindi marinig ng mga tao) ka na?”
     
Tinginan lahat kay Vice Leni at parang hinihintay ang sagot niya, lalung-lalo na ni Digong.
     
Nang hindi sumasagot si Vice Leni at nakangiti lang, patuloy ni Pres. Duterte, “Do not be offended pero ’yung sabi nila, hindi ’yun totoo?”
     
Umiling naman si Vice Leni.
     
“Eh, kung totoo ’yun, Ma’am, eh, may mapatay na congressman na bago. Para mabiyuda uli,” pagbibiro pa ni Digong na umani ng malakas na sigawan at tuksuhan mula sa audience.
     
Pagkatapos nito, naging seryoso na ulit ang topic pero bago matapos ang kanyang speech ay biniro na naman niya si Vice Leni.
     
Say ni Digong, ganu’n talaga siya kapag nagiging boring na ang usapan. Nagbibiro siya parati at lagi raw niya talagang nabibiro si Ma’am Leni.
   
“Pero totoo talaga, nu’ng una sa (Cabinet) meeting, the arrangement, magkatabi kami...,” say ni Digong, na nag-alanganing ituloy ang sinasabi.
   
“Sabihin ko kaya Ma’am? Hindi ka mag-ano (mau-offend)?” he said at natawa na lang si Vice Leni.
   
“Kasi, si Ma’am Leni, medyo shorter than usual ’yung damit na ano (suot). Siguro nahalata ng mga protocol officer (na) sige ako sa likod.
   
“Si Sonny Dominguez naman, sabi ko, ‘ang layo mo, dito tayo, tignan mo ’yung tuhod ni (Ma’am Leni).’ Nu’ng nahalata niya, sige na siya. Gusto kong sabihin, ‘Ma’am, mag-shorts ka na lang kaya? Huwag itong paigsi-igsi ka ng damit, tapos...’”
   
After three Cabinet meetings daw, sa harap na niya naupo si Vice Leni.
   
“Malayo ang tingin...,” birong kanta ni Digong saka nagpasalamat na hudyat ng pagtatapos ng kanyang speech.

* * *

Sa nasabing talumpati ng Pangulo, paulit-ulit niyang sinabi na hindi siya satisfied na after three years, hindi pa nakakalipat sa tahanang ipinagawa ng gobyerno ang lahat ng pamilyang nawalan ng bahay dahil sa Bagyong Yolanda.
   
“’Yang houses na ’yan, eh, kung hindi pa ’yan matapos sa susunod na buwan ay PUT... Gawain mo na lang crematorium ’yan,” he said.
   
Right there and then, inatasan niya ang Presidential Assistant for the Vizayas na si Mike Diño: “I’ll put him (Mike) in charge. Mike, maggawa ka ng bahay diyan, diyan ka tumira, p___na. I want this thing completed -- I will be back, babalik ako.
   
“Ano tayo ngayon, November? I’ll be (in) December -- Mike, gusto ko, by December makalipat na lahat. P___ina ’yang tubig na ’yan, gawaan mo sila ng swimming pool, gawaan mo sila ng lahat. I will be be back, I promise you. In the fullness of God’s time, I will be back (in) December,” ani Digong, na umani ng masigabong palakpakan mula sa Taclobanons.
   
Samantala, umaga pa lang, abalang-abala na ang Tacloban Mayor na si Cristina Gonzalez-Romualdez para sa 3rd Yolanda Commemoration na may mensaheng “Faith, Hope and Love.”
   
Nagkaroon ng commemorative Mass for the Yolanda victims and survivors noong umaga ng Nov. 8, na dinaluhan ng mayora at asawang si ex-Mayor Alfred Romualdez, ganundin ni former Sen. Bongbong Marcos.
   
Sa speech ni ex-Mayor Alfred after the Mass, nagbiro siya na unemployed silang tatlong magpipinsan ngayon -- siya, si former Sen. Bongbong at dating Cong. Martin Romualdez.
   
As we all know, natalo si ex-Sen. Bongbong bilang vice president last elections, gayundin si ex-Cong. Martin, na tumakbo namang senador.
   
Si ex-Mayor Alfred naman, tapos na ang tatlong termino at ang asawang si Cristina na nga ang tumakbo at nanalo.